34 na batang walang residence visa sa Kuwait, nakauwi na

Maxxy Santiago, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Apr 03 2018 11:28 AM

Nakabalik na sa bansa ang 34 batang walang residence visa sa Kuwait. Sila ang mga anak ng OFWs na hindi kasal. Ilegal ang magsama nang hindi kasal sa ilalim ng batas ng Kuwait. Maxxy Santiago, ABS-CBN Middle East News Bureau

KUWAIT – Umabot sa 34 mga bata na walang residence visa ang nakauwi na sa Pilipinas sa pakikipagtulungan na rin ng embahada sa gubyerno ng Kuwait.

Kasamang nakauwi sa Pilipinas ang 3 anak ni “Melissa”. Hindi nakasama sa paguwi si Melissa dahil may travel ban siya matapos na maging loan guarantor sa isang kaibigan at wala rin siyang visa.

“Yung isa po 7, yung isa po 5, yung isa po 2, kaya maraming salamat po talaga. Finally, makakauwi na po sila,” sabi ni Melissa nang makapanayam ng Balitang Global.

Isa rin sa mga nakauwi ang 10-taong gulang na anak ni Eva. Umabot ng 17 taon sa Kuwait si Eva pero 7 taon din siyang walang visa. Iniwan na sila ng ama ng bata na isang Pakistani national.

“Nagpapasalamat po ako nagkaroon ng amnesty at naiuwi ko po siya para makapag-aral po siya,” sabi niya. 
 
Sa ilalim ng batas ng Kuwait, makakasuhan at maaaring makulong nang hanggang 5 taon ang sinumang nagsasama nang hindi kasal. Damay din ang kanilang mga anak. 

Laking pasasalamat ng embahada sa gobyerno ng Kuwait na tumulong mag-proseso ng travel documents ng mga bata. Sinagot ng gobyerno ng Pilipinas ang libreng ticket.

“Tuloy-tuloy lang po ang pagpapauwi namin at huwag silang matakot kasi lahat naman ng mga Pilipino na pumupunta sa embahada hindi naman sila napapahamak. Tinutulungan naman namin. Magsabi lang sila ng totoo,” ani Social Welfare Attache Nilda Oliva.

Hinihikayat naman ng embahada ang mga natitirang undocumented OFWs sa Kuwait na mag-avail na ng amnestiya habang ipinatutupad pa ito.

“Nakikiusap kami sa ating kababayan dito sa Kuwait, mag-final decision na kayo para mag-avail ng amnesty. Please avail of this opportunity of free tickets,” sabi ni Consul General Noordin Pendosina Lomondot, head ng Assistance to Nationals Unit ng embahada sa Kuwait.

Mahigit 4,000 na ang nakauwing undocumented OFWs mula sa sa Kuwait sa ilalim ng amnesty program na magtatapos sa Abril 22, 2018.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.