Agribusiness isinusulong para sa mga OFW sa Italya

Mye Mulingtapang, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2019 08:59 PM | Updated as of Apr 03 2019 09:28 PM

Itinuro sa Agriventure Roadshow sa Italya ang mga oportunidad na puwedeng pasukin ng mga overseas Filipino worker sa larangan ng agribusiness.

MILAN, Italy – Isang dating overseas Filipino worker (OFW) ang nagbabahagi ngayon ng mga programa, oportunidad at serbisyo hinggil sa agribusiness para sa mga manggagawang Pilipino sa abroad.

Sa Agriventure Roadshow sa Italy noong March 29 at 30, hinikayat ni Dexter Villamin, CEO ng DV Boer Farm Corporation, ang mga OFW na mamuhunan at mangapital sa agrikultura sa Pilipinas.

“It is very important para sa ating mga kababayan lalo na sa mga kababayang OFW na maintindihan nila 'yung agribusiness, so by our efforts na kahit maliliit siya kung consolidated naman ang effort natin towards a progressive agriculture, 'yung awareness at saka opportunity 'pag nagsama ‘yan, that is a formula for passive income,” paliwanag ni Villamin.

Ipinaliwanag naman ng DV Boer Farm o People’s Farm ang agriventure at kahalagahan ng pagnenegosyo sa Pilipinas pati na ang iba-ibang maaring paglagakan ng pera ng mga OFW na makatutulong din sa mga kaanak sa Pilipinas na magkaroon ng hanapbuhay.

Kabilang dito ang sustainable, modern at sub-farming, livestock investment gaya ng chicken, rabbit, goat at cattle raising, pagtatanim ng palay at mais, at iba pang microfinance business ideas.

“Puwede silang maging microfinance contributor o kung handa na silang umuwi sa Pilipinas, puwede rin tutulungan natin sila through magsasaka incorporated sa microfinance,” sabi ni Gilbert Bugia, pangulo ng DV Boer Microfinance

Bukod sa magandang investment ang agrikultura ay makatutulong din ito sa pagpapalago at pagpapaunlad ng export products ng Pilipinas

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), noong 2018, ang agricultural production sa bansa ay nagkakahalaga ng P521.2 billion o 20 porsiyento ng gross domestic product.

Binigyang diin din ni Villamin na may pag-asa sa pagsasaka at paghahayupan at maaaring ito rin ang solusyon upang hindi na mangibang bansa ang mga Pilipino.

“We need fresh blood in agriculture na makatutulong talaga sa atin na may alam, may skills, may experience sa ibang bansa, that’s good kaya nga pinauuwi natin ang mga OFW if possible, and we are helping them about funding para lang sila ay makabalik sa atin,” sabi ni Villamin.

Para naman sa mga kababayan, dahil hindi panghabangbuhay ang pagiging OFW, nais nilang magkaroon ng pagkakataon na makapagsimula ng negosyo at iba pang pagkakakitaan.

“Ngayon kung nakaka-attend ng mga ganito nalalaman namin kung saan dapat mapunta 'yung perang pinaghirapan naming dito sa ibang bansa,” sabi ni Melissa Manalo, isang matagal nang OFW sa Milan.

Nagbabalak namang umuwi na sa Pilipinas si Mary Ann Arago at malaking tulong aniya ang seminar tungkol sa agrikultura para magabayan ang mga tulad niya sa tamang pagnenegosyo.

“Pag-uwi namin sa Pilipinas ay mayroon na kaming mga projects na puwede naming gawin kaya hindi kami magiging idle, nakakatulong sa mga tao,” sabi ni Arago.

Umaasa si Villamin na mas dadami pa ang agripreneurs na katulad niya sa Pilipinas at balang araw ay hindi na mangingibang bansa ang mga Pilipino.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.