Pamilyang Demafelis nagpapasalamat sa sentensiyang bitay sa mga amo ni Joanna

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2018 12:00 PM

SARA, Iloilo - "God is good. Talagang hindi natutulog ang Diyos."

Ito ang mga salitang binitawan ng tiyuhin ni Joanna Demafelis na si Kagawad Pablo Demafelis matapos malaman ang balita na sinentensyahan ng Kuwaiti court ang mga amo ni Joanna ng bitay.

Ayon pa kay Pablo, nararapat lang ang parusang bitay para sa Lebanese na si Nader Essam Assaf at asawa nitong Syrian dahil sa pagpatay ng mga ito sa kaniyang pamangkin.

"Nagpapasalamat po kami kay President Duterte, sa Kuwaiti government at sa lahat ng tumulong para tutukan at mabigyan ng hustisya si Joanna," aniya.

Sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pamilya Demafelis nitong nagdaang Semana Santa na posibleng maglabas ng sentensyang bitay ang korte sa Kuwait sa mga amo ni Joanna.

Lumuwas na ng Maynila ang mga magulang at kapatid ni Joanna ilang araw pagkatapos ng libing at wala nang tao sa bahay ng pamilya Demafelis.

Kinumpirma naman ng tiyuhin ni Joanna na nabawi na ang nakasanlang lupa ng pamilya sa tulong ni Senator Manny Pacquiao.

Natagpuang patay sa loob ng freezer si Joanna isang taon matapos umano siyang bugbugin ng kaniyang mga amo sa Kuwait, kung saan nagtrabaho siya bilang household service worker.

Naiuwi ang kaniyang katawan sa Iloilo nitong Pebrero.

Nagdeklara ng deployment ban sa Kuwait ang gobyerno ng Pilipinas matapos ang pagkamatay ni Demafelis habang pinaplantsa ang isang kasunduan sa pagitan ng dalawang mga bansa ukol sa pangangalaga sa mga OFW.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.