SOUTH KOREA - Sumasabak sa pag-aaral ng makabagong paraan ng pagtatanim ang ilang Pinoy sa South Korea. Malaking pakinabang ito sa kanila dahil maaari itong maging negosyo pagbalik nila sa Pilipinas.
Nagsimula ang Philippine Entrepreneur Agriculture Korea o PEAK Pinoy noong 2021. Dahil sa mga paghihigpit noon dahil sa pandemya, idinaan lang sa Zoom ang seminar para magkaroon ng kaalaman ang mga OFW sa Korea ng tungkol sa agrikultura ng bansa.
“Binibigyan po natin sila ng exposure para mas maintindihan at mas maunawan at sa naging development agrikultura ng Korea...
Ngayon under our President Bong Bong Marcos at ito po talaga gusto namin malaman at mauunawan at matutunan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Department of Migrant Workers o DMW Korea Labor Attache Maya Valderrama.
Sa ikalawang anibersaryo ng PEAK Pinoy, ilang kababayan natin ang sumali sa actual tour ng modern farming sa South Korea. Sa ilalim ito ng pangangasiwa nina Philippine Embassy Seoul Ambassador Tess De Vega at Department of Agriculture Seoul Office Attache Aleli Maghirang.
“We brought them indoor vertical farming in farm Sangdo...we also brought them to educational trip in the NACP agricultural museum...we’re able to have a special lecture from Mr. Sang Hoo Lee the President of Agro Solutions Korea and the vice president of KBTS best team for smart farm in Korea...he shared about an introduction about Korean smart farming and it’s applicability in the Philippines,” pahayag ni Attache Maghirang.
Para sa OFW na si Gloria Lapores, lider ng Household Workers Association sa South Korea, malaking tulong ang pag-iikot na ito ng mga kababayan kung saan natutunan nila ang vertical farming.
“Kahit nasa city ka, hindi mo kailangan ng malawak na lupain at hindi mo rin kailangan ng maraming kagamitan...mas alam mo yung pinaka basic at tubig lang ang kanyang ingredients plus complete yung gamit mo mas ma-double mo yung productivity ng paghahalaman...mas ok tong mga ganito na gulay na pwede mong maging negosyo,” ani Lapores.
At dahil nagluwag na ang restrictions, mas maraming Pinoy sa Korea ang puwede nang matuto ng agrikultura lalo't face-to-face na ang mga seminar at mayroon pang tour sa mga kilalang agricultural site ng bansa.
Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.