9 Pinoy crew ng Costa Luminosa na infected at may sintomas ng COVID-19, dinala sa ospital sa Turin

Maricel Burgonio, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2020 11:34 AM

A view of the Costa Luminosa cruise ship, where many passengers tested positive for the coronavirus disease (COVID-19), as it is docked at the port of Savona, near Genoa, in Italy, March 21, 2020. Massimo Pinca, Reuters

TORINO, Italy - Siyam na Pilipino crew na naka-quarantine sa barkong Costa Luminosa ang dinala sa ospital sa Torino mula sa pinagdaungan ng barko sa Savona, Italy matapos na ilan sa kanila ay nagpositibo at ang iba naman ay may sintomas na ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa isang panayam sa telepono, sinabi ng seaman na si "Michael", hindi totoong pangalan, na positibo ang resulta ng kaniyang COVID-19 test at 3 pang kasama. 

Nalaman niya sa doctor sa ambulansya na siyam na Filipino seaman ang kasama niyang ibinaba sa barko at isinakay sa ambulansiya papunta sa Turin.

"May dalawang araw na kami sa ospital. Wala akong lagnat ngayon. Nahirapan lang ako sa paghinga. Maayos naman kami dito,” sabi ni Michael. May tatlong Pinoy seaman din ang nakausap niya na positibo sa COVID-19. 

Sabi ng 38-anyos na si Michael na may dalawang anak, may walong araw siyang naka-quarantine sa barko. 

Una niyang naranasan ang pag-ubo at hirap sa paghinga at nilagnat matapos ang limang araw. Ngayon, hirap pa rin siya sa paghinga. 

Aniya, wala pang gamot na ibinigay sa kaniya sa dalawang araw niya sa ospital at sinabi ng doktor na hindi kritikal ang kalagayan niya. Kailangan lang niya ng warm water with lemon at vitamin C. 

Binigyan siya ng tulong ng Filipino community group na ACFIL o Associazione Culturale Filippina del Piemonte sa mga pangunahing pangangailan niya sa ospital at inihatid sa iba pa niyang kasamahang seamen. 

Ang ACFIL ay accredited bilang volunteer para sa COVID-19 emergency ng Civil Protection ng Torino. 

"Dinalhan namin siya ng Vitamin C na 9 pieces, lemon, water boiler, prutas 9 cups, tea, sugar etc. Binigay namin sa military at inabot sa nurse, kung saan nag-abot sa kaniya,” ayon kay Rosalie Cuballes, ACFIL president. 

Ayon kay Michael, may dalawang Italian ang ibinaba ng barko sa Puerto Rico dahil may sintomas ng COVID-19 at ngayon ay positibo na. Hindi naman sila pinadaong sa Venice kaya sa Savona sila ibinaba. 

May mensahe rin siya sa mga infected ng virus tulad niya.

“Huwag panghinaan ng loob. Malalampasan natin ito. Magtiwala lang sa Diyos,” sabi niya.

Nauna nang humingi ng tulong sa pamahalaan sa Pilipinas ang isa pang crew ng naturang barko. Hinaing niya, walang klarong direksiyon ang ibinigay sa kanila sa gitna ng kanilang biyahe habang may kaso na pala ng virus sa barko.

Nais din niyang ma-test agad na dahil kasalukuyan aniyang may ubo at lagnat na siya.

Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III na nakaabot na sa kanila ang inisyal na ulat hinggil sa kalagayan ng mga Pinoy seafarer sa Costa Cruises.

"May natanggap na po kaming initial repots sa Costa Cruises at sila ay ipapatest din natin," sabi ni Duque.

Tumulong din ang OFW advocate at dating labor undersecretary na si Susan "Toots" Ople ng Blas F. Ople Policy Center para maipaabot sa kinauukulan ang sitwasyon ng Pinoy crew ng Costa Luminosa.

Sabi naman ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin III may mga Pinoy crew ng naturang barko ang makakauwi na sa Pilipinas sa Marso 28.

Ayon sa Ministry of Health ng Italy, mayroon nang 3,108 na positibo sa COVID-19 sa Torino, sa tala noong Marso 26, Huwebes.

May 8,165 na ang naitalang namatay sa coronavirus sa Italya habang 80,539 naman ang kumpirmadong COVID-19 cases sa buong Italy.