Grupo ng Pilipino sa Italy nagbabala laban sa illegal recruitment

Maricel E. Burgonio, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2019 03:50 PM

Torino, Italy. Maricel E. Burgonio, ABS-CBN News

TORINO, Italy - Nagbabala ang grupo ng Filipino communities sa Torino at Cuneo na iwasan ang ilegal na paraan sa pagpaparating ng mga kamag-anak sa Italy mula Pilipinas.

Ito ng inilabas na pahayag ng grupong Federation of Filipino Associations in Piemonte o FEDFAP.

Ayon kay FEDFAP president Mario Pedrialva, ginagawang paraan ng mga illegal recruiter sa Torino at Cuneo ang 'Decreto Flussi' o ang patakaran sa imigrasyon ng Italya para sa non-European Union foreigners na gustong makapagtrabaho sa bansa.

Ayon sa grupo, hindi pa ito naaprubahan ng gobyerno ng Italy.

Ito ang ginagamit upang makapangloko ng mga overseas Filipino worker sa Cuneo at Torino sa pangakong makapagdala ng mga kamag-anak sa Italya mula Pilipinas.

“Nitong mga nakaraang buwan, may mga taga-Torino at Cuneo na nagbayad ng 3,000 hanggang 4,000 euro at umaasa na makararating dito sa Italya ang kanilang kamag-anak,” ayon kay Pedrialva.

Aniya, may nagreport sa grupo na isang taga-Torino at dalawa sa Cuneo ang nanloloko sa mga Pinoy. Itinanggi niya munang ilabas ng mga pangalan ng illegal recruiters at nangakong kaniyang ilalabas sa takdang panahon.

Noong nakaraang taon, sinabi ni Pedrialva na may mga nakarating na mga Pinoy sa Italya pero marami sa kanila ang bumalik din sa Pilipinas at ‘di na nabawi pa ang ginastos sa pag-abroad.

“Lahat po tayo ay naghahangad na mapunta sa Italy ang ating mga kamag-anak pero dapat sa legal na paraan para di natin pagsisihan,” dagdag pa ni Pedrialva.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, hindi kasama ang Italy sa pangunahing destinasyon ng mga Pinoy workers sa ibang bansa, kung saan nangunguna ang Saudi Arabia at United Arab Emirates. Samantala, nangunguna pa rin ang United States sa halaga ng remittances sa mga beneficiaries sa Pilipinas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.