Ilang stranded OFWs, nagbebenta ng dugo para may maipadala sa pamilya

Charles Tabbu, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Mar 27 2018 12:00 PM

Ipinakita ng ilang stranded OFWs ang marka ng karayom mula sa pagbebenta nila ng dugo para pantustos sa pang araw-araw at para may maipadala sa kani-kanilang mga pamilya sa Pilipinas. Charles Tabbu, ABS-CBN Middle East News Bureau


JEDDAH, Saudi Arabia – Mahigit 200 stranded overseas Filipino workers (OFW) ng isang kompaniya ang humihingi ng tulong sa gobyerno para sa agarang pagpapauwi sa kanila sa Pilipinas.

Nag-aalala na sila sa kanilang pamilya dahil nagkaka-problema na ang proyekto ng pinapasukang kompanya at halos anim na buwan na silang walang sahod.

"Kaya naming tiisin kung anong paghihirap dito, pero 'yung pamilya namin sa ‘Pinas, doon kami medyo nanghihina,” sabi ng isang stranded OFW.

Wala na nga umanong sahod, hindi pa malinaw kung kailan sila makakauwi sa Pilipinas.

Ang iba umano sa kanila ay nagbebenta na ng sariling dugo pantustos sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan at para may maipadala sa Pilipinas.

Bakas pa sa mga braso ng halos 20 stranded OFWs ang marka ng karayom mula nang sila ay magbenta ng dugo.

Nasa 300 hanggang 400 Saudi riyals o P4,000 hanggang P5,000 ang kinikita nila sa bawat benta ng dugo. 

“Para po makapagpadala sa pamilya namin na nasa Pilipinas, kasi ilang buwan na po kaming hindi nakakasahod,” sabi ng isa sa kanila.

Rumesponde naman ang Philippine Nurses Association Jeddah, Caregivers Association in Jeddah, grupong Amore Familiare at ibang community groups at nagbigay ng free medical mission at feeding program sa mga stranded OFW.

Pati ang ibang lahi, binigyan din ng tulong ng mga Pilipinong manggagawa.

“It's a humanitarian thing, and everybody should participate. We should not hesitate because everybody could be in this situation. So we are giving away free budget meal for everybody and we will do it whenever there is a chance,” sabi ng isang may-ari ng restaurant.

Ilan sa mga stranded OFW ang pumila para sa free medical mission at feeding program ng rumespondeng mga Filipino groups sa Jeddah, Saudi Arabia. Charles Tabbu, ABS-CBN Middle East News Bureau

Humihiling na ang mga stranded OFW ng aksiyon mula sa konsulado sa Jeddah.

"Sana ay mapabilis ang aming pag-alis dito sa aming kompanya, kasi ho sa kahirapan na nararanasan namin dito," sabi ng isang OFW.

Tiniyak naman ng konsulado na tuloy-tuloy ang pakikipagdayalogo nila sa kompanya. Tinututukan din umano nila ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga OFW.

“We are consistently following-up with management at idine-demand sa kanila na pauwiin 'yung mga OFWs natin kaagad-agad," sabi ni Welfare Officer James Mendiola.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration sa Jeddah, sa 279 na manggagawa na nasa kampo, 63 ang may exit clearance at ticket na at nakatakdang umuwi sa susunod na linggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.