Kapatid ng pumanaw na Pinoy sa Milan dahil sa COVID-19, nananawagan ng tulong

Mye Mulingtapang, ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 12:04 AM | Updated as of Mar 26 2020 01:26 AM

ITALY - Isang 39 anyos na warehouse employee ang pumanaw dahil sa respiratory failure sanhi ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Milan, Italy. 

Dahil hindi miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), problema ng kapatid ni Angelo (hindi tunay na pangalan) ang gastos sa pagpapa-cremate. 

Sa eksklusibong interview ng TFC News, naglabas ng sama ng loob ang kapatid ni Angelo sa OWWA.

"Paano ang mga Pilipinong hindi nakapag-renew kung walang kamag-anak dito sa ibang bansa, kung ako ay wala dito sa Italya ano ang gagawin ninyo sa kapatid ko ganyan na lang, iiwanan ninyo na lang," ani ng kapatid ni Angelo na tumangging pangalanan.

Dalawang taong hindi umuuwi ng Pilipinas si Angelo dahil nagda-dialysis ito. Pinili ni Angelo na manatili sa Italya para makapagpagamot.

Bago isugod sa ospital noong March 17 ay inatake din sa puso si Angelo dahilan upang hindi na rin makapagtrabaho. Halos isang taon si Angelo sa ospital .

"Ang kapatid ko disoccupato, imbalido 'yung kinikita niya ba sustento ni panggastos sa katawan niya ay kulang pa," ani ng kapatid ni Angelo.

Problema ng kapatid ni Angelo kung paano mabubuo ang bayad sa punerarya at pagpapa-cremate. Dahil naka-quarantine ay hirap din kumilos ang kapatid ni Angelo para maasikaso ang mga dokumento para sa cremation.

"Kahit abo man lang maiuwi ko sa pamilya ng kapatid ko."

Naglabas naman ng pahayag ang Department of Labor and Employment na magpapaabot ng tulong pinansyal para sa mga OFW na apektado ng COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.