Mahigit 1.8-M OFW inaasahang boboto sa Mayo

Mye Mulingtapang, ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2019 09:07 AM | Updated as of Mar 26 2019 04:59 PM

MILAN, Italy - Sa ilalim ng overseas absentee voting, ang mga overseas Filipino workers ay may karapatang pumili ng 12 senador at party-list representatives sa darating na midterm elections. 

Magsisimula ang OAV sa Abril 13 hanggang Mayo 13.

Ayon sa datos ng Commission on Elections (Comelec), mayroong 1,822,173 land-based at sea-based OFWs. Nangunguna ang Italya sa mga bansa sa Europa na may pinakamataas na bilang ng mga rehistrado na umabot sa mahigit 63,623 kasunod ang London na may 32,442 voters, at Madrid na may 27,420 voters.

Mixed mode voting ang isasagawa ng Italy. Ito ay sa pamamagitan ng postal automated election system sa Philippine Embassy sa Rome at Consulate General sa Milan at personal voting naman sa Philippine Embassy to the Holy See.

Ayon kay Consul Manuel Mellejor Jr., tumaas ang bilang ng mga bagong botante sa Milan na palatandaan na umiiral ang demokrasya at aktibong pakikilahok sa usaping pampulitika ng mga OFW. 

Nasa 27,628 Pinoy naman ang nasa consular jurisdiction ng Philippine Consulate General of Milan.

“Mula Abril hanggang last day September 30 marami ang narehistro natin, more or less 3,000 yung nadagdag natin. Ibig sabihin naging conscious sila na there’s a lot at stake sa ating electoral process kahit nasa malayo sila,” ayon kay Mellejor Jr.

Pero sa kabila ng mataas na bilang ng mga rehistradong botante ay mababa pa rin ang voter turnout noong nakaraang eleksyon na umabot lamang sa 432,000 overseas votes mula sa 1,376,067 active registered voters. Sa Italy 14,159 ang bumoto noong 2016 na 23.18 porsyento lamang mula sa 61,078 na kabuuang bilang ng mga rehistrado.

Ang kawalan ng oras dahil sa trabaho at ang layo ng voting precincts ang ilan sa mga dahilan kung bakit marami ang hindi bumoboto.

“There’s difficulty for voters to reach precinct, Honorary Consulate offices should be utilized kahit manual voting,” mungkahi ng Filipino community leader na si Ariel Lachica.

Samantala, hindi sikat na pangalan o matatamis na pangako kung ‘di maaasahan, epektibo at siguradong programa ang nais ni Anlisa Alcantara sa mga maluluklok sa Senado.

“Sana po maging fair po tayo ngayon and we need to vote wisely, kilalanin po natin lahat ang mga ivo-vote natin before natin isulat sa papel,” sabi ni Alcantara.

Sa Russia naman, umaasa ang bagong botante na si Kenneth Salonga na balang araw ay hindi siya mangingibang bansa upang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya kung makakapili ang mga Pilipino nang mapapagkatiwalaang mga lider para sa bansa.

“Sana magbabago yung sistema at yung pamumuhay ng mga Pilipino dito Russian federation,” sabi ni Salonga. - May ulat mula kay Niel Tero, ABS-CBN News