Pinoy medical frontliners sa UK, Sweden nag-aalala sa kanilang kalusugan

Rose Eclarinal, ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 12:24 PM | Updated as of Mar 26 2020 07:23 PM

LONDON - Nag-aalala man ang ilang medical workers sa UK at Sweden na ma-expose sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), kailangan daw nilang harapin ang hamon ng trabaho bilang frontliners.

Karamihan ng mga Pilipino sa UK ay nagtatrabaho sa National Health Service (NHS) bilang nurse. Katunayan, pangalawa ang Pinoy sa Indian nationals sa pinakamaraming bilang ng foreign national sa NHS na higit 18,000. 

Pagputok ng COVID-19 sa UK, isa sila sa unang apektado.

Isang nurse sa UK at single mother si Drina Dawas kaya ayaw niya magkasakit o mahawa. Mabigat man ang obligasyon, kailangan niyang malampasan ito. 

“We are actually considered vulnerable type of people because we are always in the frontline, we can’t say no to work. It’s our job to look after patients. if we get infected, I have two kids at home. I have my family to look after,” sabi ni Dawas.

Ang pinag-aalala naman ng tubong Cebu na si Abigail Igot ay ang mag-aalaga sa kaniya kung magkasakit.. 

“I’m very worried. I’m just here to earn money just to help my family. They say it’s just a simple virus but if I get sick, I don’t have someone here. I will be affected in my finances,” sabi ni Igot. 

Dagdag niya: “We don’t have a choice because we are frontliners, our work is in the hospital.” 

Nagbigay naman ng saludo ang mga diplomats sa Pinoy nurses sa kanilang embassy post. 

SWEDEN 

Sa pagdami ng nag-positibo sa COVID-19 hindi maiwasang magkaroon ng agam-agam ng mga Pinoy nurse sa panganib na kanilang sinusuong sa tuwing papasok sa trabaho. 

May higit 1,700 na ang kaso ng COVID-19 sa Sweden at may 20 na ang namatay. 

“Nagkakaroon ako ng anxiety when I’m going to work, kasi ‘di mawawala ‘yon. May family ako, I know my risk. Pero it’s a call of duty so I have to do my responsibility as a health worker,” sabi ni Melona Sheryl Centina, nurse sa Sweden. 

Nababahala naman si Riya Sanchez, isa ring nurse sa Sweden dahil hindi nagte-test ang gobyerno sa mga pasyente na may sintomas ng coronavirus. Nag-aalala rin siya sa kakulangan ng medical protective equipment sa bansa.

“May fever ka o may flu ka tatawag ka sa vård centralen ( health center) for check-up, sila pa mismo ang magde-deny sa iyo na sasabihin sa iyo na stay at home. So paano naman malalaman ng Department of Health kung ilan ang positive na infected ng coronavirus na wala naman silang ginagawa na test, ang alam lang nila ay 'yong nasa hospital na? Kaya ang result ng Sweden ay very minimal kasi wala sila ginagawa na test. As a health worker, nag-wo-worry ako kung mismong mga frontliner ay walang sapat na protective equipment,” sabi ni Sanchez. 

Aminado naman ang National Board of Health and Welfare na dahil sa kakulangan ng protective equipment ng mga health workers ay bumababa ang kalidad ng health care sa bansa. 

Pero anila, ginagawa raw ang lahat para masagot at ma-solusyonan ang mga hamon kakambal ng COVID-19.

Sa UK, tinapos na rin ang COVID-19 testing sa community level. Tanging mga pasyente na lang sa ospital ang isasalang dito kung nagpapakita ng mga sintomas. Kaya ito rin ang pinag-aalala ng mga health care workers dito. 

Ang Europa na ang epicenter ng COVID-19, isang sakit na unang kumalat sa China, dahil sa dami ng mga kasong naitala sa mga bansa dito. 

- May ulat nina Vangie Rebot Jorquia at Thirdy Ado, ABS-CBN News