Skilled workers, posibleng maalis sa saklaw ng Kuwait deployment ban

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2018 09:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaaring ipaalis ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga skilled worker mula sa listahan ng mga manggagawang ipinagbabawal na ipadala sa Kuwait.

Pero depende ito kung matutuloy ang pirmahan ng Kuwait at Pilipinas sa napagkasunduang memorandum of understanding (MOU) na magbibigay ng proteksiyon sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait mula sa pang-aabuso.

"If, for example, the president is satisfied about the MOU, as well as the efforts done by the Kuwait to address the issue of [Joanna] Demafelis, we could recommend the lifting of the ban on skilled workers," sabi ni Bello.

Hiniling ng mga opisyal ng Kuwait na sa bansa nila gawin ang pirmahan dahil sa Pilipinas na idinaos ang pagbabalangkas sa MOU.

Posibleng pumunta si Bello sa Kuwait sa Abril 7 o 8.

Kabilang sa mga panuntunang napagkasunduan ng dalawang bansa na isama sa draft MOU noong nakaraang linggo ay ang hindi pagbigay ng mga OFW ng kanilang mga pasaporte sa mga amo.

Ipinataw ng gobyerno noong nakaraang buwan ang deployment ban sa Kuwait alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos maulat ang serye ng mga pang-aabuso sa mga Pinoy sa naturang bansa. 

Bukod sa MOU, hindi rin aalisin ang deployment ban hangga't hindi nabibigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Joanna Demafelis, na natagpuang patay sa isang freezer sa Kuwait.

Sa graduation ceremony ng Philippine National Police Academy Class of 2018 nitong Miyerkoles, binanggit ni Duterte ang kaniyang mga naging kondisyon para sa MOU.

"I demanded that it will be a contract of government to government and that there will be some mandatory provisions like they should be allowed to sleep at least seven hours a day," sabi ni Duterte.

Nangako naman ang pamahalaan na tutulungan sa renewal ng visa at paghanap ng bagong trabaho ang mga OFW na naapektuhan ng deployment ban.

OMAN

Samantala, nabawasan naman ang mga oportunidad sa iba pang bansa para sa mga mangaggawang Pinoy.

Ipinag-utos ng bansang Oman ang anim na buwang suspenisyon sa visa ng mga banyagang manggagawa sa 87 klase ng trabaho, kabilang ang ilang posisyon sa information technology, finance, marketing, engineering, at medisina.

Bahagi ito ng 'Omanization' kung saan prayoridad na mabigyan ng trabaho ang mga Omani.

Kinukuha na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang profile ng mga Pinoy sa Oman.

"If there will be need to repatriate them then we are already preparing even now," ani Bello.

Sa huling taya ng DOLE, nasa 45,000 ang kabuuang bilang ng mga Pilipino sa bansa, kabilang ang mga undocumented.

Pero, ayon sa DOLE, karamihan sa mga ito ay household workers kaya posibleng hindi masyadong maapektuhan ng Omanization.

-- Ulat nina Zen Hernandez at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.