Ilang Pinoy sa UK nakaranas ng diskriminasyon dahil sa coronavirus

Rose Eclarinal, ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2020 03:40 PM

LONDON - Nakakaranas ng diskriminasyon ang ilang Asyano, kabilang ang mga Pilipino sa United Kingdom na nakaranas ng diskiriminasyon dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Jim Leyesa, taga-London, pauwi na siya at tahimik na naghihintay ng tren o tube service sa Westminster station nang biglang may umupong Briton sa tabi niya. 

"He started swearing and moaning – f—dumb ass, f—Asian people, bringing f----n virus to this country," sabi ni Leyesa. 

"Kala ko baliw lang but no, kami lang ang magkatabi. Ako lang ang Asian doon. Sabi ko, 'Are you talking to me? Just stop being racist'," dagdag niya. 

Lumapit naman daw ang isang lalaki sa kanila at pinagpayuhan silang tumigil. Hinila siya at kinumbinsing lumipat na lang sila ng lugar at huwag patulan. Kahit mainit ang ulo niya, nangibabaw ang pag-iwas sa gulo. 

Kuwento naman ni Dia Villahermosa, 45- anyos na agency nurse sa bayan ng Devon sa England, sa 20-taon sa UK 'di naman daw niya naranasan ang diskriminasyon sa labas ng trabaho. Pero nang pumutok ang COVID-19, naramdaman niya ito. 

"We went to a pub to have coffee, maraming mga puti," sabi niya. 

"Just imagine, 6 Asian people in one area, pumunta kami sa counter to buy coffee, pagbalik namin sa table, lahat ng nakapaligid sa amin, nawala," dagdag niya. 

Paliwanag ni Villahermosa, sa trabaho 'di niya ito naramdaman pero sa lugar na kakaunti ang Asyano, napansin niya ang pagkakaiba. 

Sa UK, may proteksyon laban sa diskriminasyon nakakapaloob sa Equality Act 2010, kung saan may karampatang legal action laban sa sinumang lalabag dito. 

Maraming mga Briton ang nag-aalala dahil sa diumano’y mabagal na aksyon sa pagpapasara ng eskuwelahan sa UK na ipapatupad lang simula sa Biyernes. 

Pumalo na sa higit 2,600 ang kumpirmadong kaso noong Martes sa England at higit 70 ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.