Krisis sa coronavirus: Pangamba at abala dala sa mga OFW sa Italya

Maricel Burgonio, ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2020 10:53 PM

Wala na halos tao sa Piazza Castello sa Torino, Italy dahil sa takot sa coronavirus disease 2019.

TURIN, Italy - Dalawang overseas Filipino worker ang may halos parehong suliranin sa gitna ng krisis sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang isa ay hindi makauwi ng Pilipinas habang hindi naman makabalik ng Italya ng isa pa.

Handa na sana ang lahat at paalis na dapat si Lily Rose Lutero, 44-anyos, at kaniyang asawa noong Marso 12 papuntang Milan airport nang malamang kanselado ang kaniyang flight papuntang Pilipinas.

Mabuti at naabisuhan siya kaagad ng Italyanong amo hinggil sa kanilang flight.

"Ang sabi ng amo namin, kung makalabas kami ng Milano, hindi na kami tatanggapin. Kung mawawalan kami ng trabaho, saan kami titira," sabi ni Lutero.

Nakatira si Lutero sa bahay ng amo sa Torino, kung saan sakop ng rehiyon ng Piemonte.

Aniya, hindi siya sinabihan ng ticket seller na kanselado ang flight niya sa Etihad Airways.

Matapos ang walong taon, ngayon lang ulit sana makakauwi si Lutero sa Iloilo.

Nais niyang makita ang high school graduation ng 19-taong gulang na anak na babae. Subalit maging ang graduation ng anak ay hindi na rin natuloy dahil nakansela ang mga klase sa Iloilo bilang isa sa mga hakbang laban sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa 12 taon ni Lutero sa Italya, ngayon siya nakaranas ng matinding takot.

"Ang hirap makatulog. Syempre iniisip ko ang pamilya ko sa Pilipinas. Nakakatakot talaga. Talagang sakripisyo. Pero 'di dapat isipin masyado para 'di gaanong matakot," sabi niya.

Nag-umpisa ang lockdown sa buong Italya noong Marso 10 matapos na mabilis kumalat ang coronavirus sa rehiyon ng Lombardia.

Samantala, hahaba naman ang bakasyon sa Pilipinas ni Tetani Mae Garcia, isang domestic helper sa Torino nang makansela ang flight dahil sa lockdown.

"Dapat pabalik na po ako ng March 24 sa Italya, pero 'di pa po ako mabigyan ng rebooking ng pinagkunan ko ng ticket kaya kailangang maghintay," sabi ni Garcia.

Dagdag ng 45-anyos na OFW na tubong Tarlac, may 10 taon na siyang residente ng Italy.

Naiwan niya ang kaniyang 19-anyos na binata sa Torino, kasama ang kaniyang kapatid na hindi na rin regular na pinapapasok ng amo ngayon.

"Sinubukan ko pong magpa-rebook earlier pero biglang nag-ban ang bansang Qatar sa mga transiter at kasama ang mga galing Pilipinas," sabi niya.

Dumating si Garcia sa Pilipinas noong Pebrero 25.

"Ang worries ko po, makakahanap pa po kaya kami ng work. May amo pa kayang tatanggap sa ngayon," pangamba ni Garcia na balak sanang maghanap ng trabaho pag-uwi ng Italya.

Marami ngayon sa Italya ang nawalan ng trabaho dahil sa takot ng mga employer na mahawa ng COVID-19.

Problemado ang mga pamilyang OFW ngayon sa mga gastusin sa renta ng bahay, pagkain, ilaw at gas.

Ayon sa datos ng gobyerno noong Lunes, umakyat na sa 2,158 ang bilang ng namatay sa coronavirus sa Italya.

Mayroon namang 27,980 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Italya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.