Japan naghahanap ng 60,000 caregivers

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2019 06:00 PM | Updated as of Mar 15 2019 09:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naghahanap ngayon ang bansang Japan ng nasa 60,000 caregivers, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA.) 

Ayon kay POEA administrator Bernard Olalia, kinukukulang ng caregivers sa ilang health institution sa Japan. 

"Nangunguna dito 'yung mga elderly care institutions nila dahil napakaraming mga matatandang senior citizens," paliwanag ni Olalia. 

Idadaan aniya sa private recruitment agencies ang hiring ng 60,000 caregivers na ipapasok sa bagong specialized skilled worker visa ng Japan para sa mga dayuhang worker simula April 1. 

Magkakaroon ng dalawang klaseng visa sa ilalim nito: isa para sa semi-skilled workers gaya ng caregivers na may 5 taong kontrata, at isa para sa mga highly-skilled workers na may pagkakataong makamit ang immigrant status pagkatapos ng 5 taong pagtatrabaho. 

Samantala, mahigit 300 foreign workers ang kailangan ng Japan para sa sumusunod na job categories: 

  • Care workers
  • Food service industry
  • Construction
  • Agriculture
  • Manufacture of food and beverage
  • Accommodation industry
  • Building cleaning management
  • Machine parts and tooling
  • Industrial machinery
  • Fisheries and aquaculture
  • Electric, electronics and information
  • Aviation industry
  • Automobile repair and maintenance
  • Shipbuilding and ship machinery

Bagama't kasama ang construction sa listahan, ipinaalala ni Olalia na limitado ang magiging deployment nila para dito kaakibat ng infrastracture program ng Pilipinas.

"Mayroon tayong ilalabas na regulation kaya maaaring medyo limited 'yung ating deployment," aniya. 

Ipinaalala din ni Olalia na dapat antayin ng publiko ang kanilang abiso ukol sa bagong visa sapagkat sa March 19 pa ito pipirmahan. 

Nagbabala din ang POEA na huwag maniwala sa mga recruitment agency na magsasabing tumatanggap na sila ng aplikante para sa bagong visa. 

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.