Croatia nangangailangan ng 2,000 foreign workers

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2019 06:42 PM | Updated as of Mar 08 2019 10:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mahigit 2,000 foreign workers ang kailangan ngayon ng bansang Croatia sa Europe. Nangunguna sa in demand ang mga hospitality worker.

Ayon sa Philippine Association of Service Exporters (PASEI) karamihan sa kailangan ang nasa hospitality sector gaya ng mga waiter, room attendant, at assistant cooks.

Maaari pang umabot ng 800 euros o halos P50,000 ang kanilang sahod depende sa kanilang karanasan sa trabaho.

Kinumpirma ng PASEI na kasama sa pangangailangan ng Croatia ang mga high-skilled construction workers gaya ng masons, welders, at plumbers.

Pero nauna nang sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na babawasan ng 90 porsiyento ang mga construction worker na papayagang umalis ng bansa dahil sa "Build, Build, Build" program ng pamahalaan.

Bagay ito na susundan ng PASEI, ayon kay PASEI president Elsa Villa.

"Kung ano ang order nila we have to follow but 'yun nga itong oportunidad na ito sayang kung isasara mo 'yan because there is really a great need and our people, you cannot stop them from going," ani Villa.

Sinisilip naman ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang pansamantalang pagsama sa "mission-critical skills" o mga trabahong may kakulangan o shortage sa Pilipinas ang construction workers.

"Mag-i-issue ng appropriate resolution ang POEA through the Governing Board so that magkakaroon tayo ng clear policy guideline," ani POEA Administrator Bernard Olalia.

"Ang instruction sa atin immediate eh, so as we speak we are already working on it," dagdag niya.

Pero nilinaw ng ahensiya na hindi nila pipigilan ang mga construction worker sa pag-alis sa bansa.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.