Sa bansang ito, may panukalang ipagbawal mag-shopping kapag Linggo

Agence France-Presse

Posted at Mar 01 2017 02:50 PM

Kanya-kanyang bato ng ideya para sa mga panukalang batas ang ilang partido politikal sa The Netherlands habang papalapit na ang halalan sa naturang bansa.

Kabilang sa mga inilulutang na panukalang batas ay ang pagbabawal sa mga mamamayan sa The Netherlands na mag-shopping tuwing Linggo. 

Ito ay panukala ng konserbatibong partido politikal na Reformed Political Party (SGP), na kasalukuyang may tatlong upuan sa parliyamento.

Itinutulak ng SGP ang "No Shopping Sunday" para umano makapagsimba ang mga tao kapag Linggo.

Bukod pa rito, itinutulak din ng SGP na bawal muna ang trabaho kapag Linggo, puwera na lamang kung ang trabaho ay isang "act of charity" o kawanggawa.

Gusto rin ipasara ng SGP ang may 600 kapihan sa The Netherlands na di umano'y nagtitinda ng marijuana, at gayundin ay ipagbawal ang mga patalastas tungkol sa mga alak.

Samantala, isang partido naman ang gusto ng kabaligtaran ng SGP. Ito ang Libertarian Party na itinutulak ang legalisasyon ng produksiyon, bentahan at pag-aari ng lahat ng droga.

Gusto rin ng Libertarian Party na kumalas na ang The Netherlands sa European Union, NATO at sa United Nations dahil anila'y mga politiko lang ang nakikinabang sa mga ito.

Ang partidong StemNL naman, gustong bigyan ng mas malakas na boses ang mamamayan sa pamamagitan ng teknolohiya.

Panukala ng partidong pabotohin ang mamamayan sa mga panukalang batas na ihahain sa pamamagitan ng mobile app.

Sa ika-21 siglo, sabi ng StemNL, kailangan nang bigyan ng nararapat na klase ng demokrasya ang mga mamamayan ng The Netherlands.

Samantala, isang partido naman na kumakatawan sa mga mamamayang edad 50 pataas ang may simple pero agaw-pansin na panukalang itinutulak.

Bukod sa mga iminumungkahing batas sa pensiyon at edad ng pagreretiro, ipinapanukala rin ng 50Plus political party ang paglalagay ng palikuran sa lahat ng mga tren.

Aabot sa 28 partido politikal ang pumasa sa kuwalipikasyon para tumakbo sa darating na halalan sa The Netherlands sa ika-15 ng Marso.