OFW sa Kuwait, na-FB live ang kahalayan ng ama ng amo

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 06:37 PM | Updated as of Oct 22 2018 06:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasagip ang isang Pinay household service worker (HSW) sa Kuwait matapos ma-video-han sa pamamagitan ng Facebook live ang ginagawa umanong kahalayan ng ama ng kaniyang amo.

Kuwento ng overseas Filipino worker (OFW) na si alyas "Jane," nagsimula noong Nobyembre 2016 ang aniya'y panghihipo sa kaniya ng 75 anyos na ama ng kaniyang amo sa Kuwait.

Ipinapakita rin umano ng lalaki ang kaniyang ari kay Jane.

Walang reklamo si Jane sa kaniya mismong among lalaki pero di niya matiis ang ginagawa ng tatay ng employer.

Hindi naman daw siya makapagsumbong sa amo dahil sa takot na baligtarin siya sa kuwento lalo pa at wala siyang ebidensiyang hawak bukod sa kaniyang testimonya lang.

Pero nitong Pebrero 24, umalis ng bahay ang amo ni Jane at sinamantala raw iyon ng ama nito para puntahan ang HSW at muling pakitaan ng ari si Jane.

Sa pagkakataong iyon, kinuhanan na ni Jane, sa pamamagitan ng FB Live, ang kahalayan ng lalaki. 

Napanood ito ng kapatid ni Jane sa Hong Kong na siyang humingi ng saklolo sa mga nagsusulong ng kapakanan ng OFW.

Hawak ang ebidensiyang video, si Jane ay humingi na rin ng saklolo sa embahada ng Pilipinas sa Kuwait. 

Nasagip si Jane nito lang Martes, Pebrero 27.

Isa lamang si Jane sa mga dumaraming distressed HSW na nagpapa-rescue sa embahada sa Kuwait araw-araw. 

Sa taya ng embahada roon, bago magsimula ang amnesty program ng gobyerno ng Pilipinas sa Kuwait, nasa tatlo hanggang limang request kada araw ang natatanggap ng embahada para sa mga nagpapasagip na OFW.

Ngayong panahon ng amnestiya, pumapalo na ang bilang ng mga nagpapasagip mula 15 hanggang 30 kaso kada araw.
 
Sa ngayon, may tatlong rescue team ang embahada. 

Pati ang Overseas Workers Welfare Administration augmentation team tumutulong na rin sa pag-rescue. 

Kahit gaano kahaba ang listahan ng mga nagpapa-rescue sa embahada, nangako ang rescue team na aaksiyonan nila sa abot ng kanilang makakaya ang lahat ng dumudulog sa kanila.

Laking pasasalamat naman ni Jane na siya'y nasaklolohan lalo pa ngayong pauwi na siya sa pamilya sa Pilipinas.

Nito rin lang Pebrero, kasabay ng deployment ban sa mga bagong hire na OFW papuntang Kuwait, nagimbal ang bayan sa sinapit ng Pinay na si Joanna Demafelis na natagpuan sa loob ng isang freezer sa Kuwait.

Hinihinalang isang taon nang patay si Demafelis nang matagpuan ang kaniyang bangkay.

Nito lang weekend, nahuli ng mga awtoridad ang mag-asawang Lebanese at Syrian na employer ni Demafelis na siyang mga suspek sa pagkamatay ng OFW.

Sa gitna naman ng umiiral na ban, hiniling ng ilang OFW sa Kuwait na huwag naman sanang pigilan maging ang pag-alis ng Pinoy skilled workers papuntang Kuwait.

Pero nararapat ding huwag munang paalisin ang mga Pinoy na magiging HSW sa Kuwait hangga't hindi napipirmahan ang kasunduang mangangalaga sa kanilang kapakanan habang nagtatrabaho para sa dayuhang amo.

Sa ngayon, inaaral na ng gobyerno kung puwedeng ipadala sa Singapore at Cyprus ang mga Pinoy HSW na dapat sana'y patungo na sa Kuwait.

-- Ulat ni Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.