Higit 40 katao nabiktima ng pekeng recruiter

Mye Mulingtapang, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Feb 28 2018 01:03 PM | Updated as of Oct 20 2018 01:26 AM

Pekeng dokumento at trabahong napako ang reklamo ng mahigit 40 biktima ng illegal recruitment sa Italy, Switzerland, Saudi Arabia at Pilipinas.

Kasamang natangay umano ng isang Pinay recruiter at kasabwat na pekeng Italian lawyer ang perang pinag-ipunan at inutang ng mga biktima.

“Sa kagustuhan ko po na mapaganda ang mapupuntahan ay nagbaka-sakali ako na makapunta sa Italy gamit ang perang naipon ko pero naloko lang po at nauwi sa wala ang perang pinagpaguran ko,” sabi ni Mark Aries Marcelo.

Umuwi pa galing Saudi Arabia si Marcelo sa pag-asang makakapagtrabaho sa Italy. Nagbigay siya ng 6,000 euros o mahigit P350,000 noong August 2016. 

Natuklasan lang niyang peke ang lahat ng dokumentong naibigay sa kaniya nang magpunta na siya sa Italian embassy para kumuha ng visa appointment.

Nagsimula umano ang modus taong 2015 nang manghikayat ang itinuturong recruiter ng mga Pinoy papuntang Italy gamit ang permesso di soggiorno per asilo politico o residence permit for political asylum at decreto flussi per lavoro stagionale o seasonal work kapalit ng nulla osta o authorization papers para makakuha ng schengen visa. 

Mula 2,000 euros o P100,000 hanggang 15,000 euros o P900,000 ang nakuha sa kada biktima. 

Dumulog naman sa Philippine Consulate General sa Milan si Melody Echague, isa sa mga naging ahente ng Pinay illegal recruiter, upang mabigyan ng aksiyon ang kaso ng mahigit 20 Pinoy na nabiktima din sa Switzerland.

Mga kaibigan ni Echague mula Geneva na nais makapunta sa Italy ang inirekomenda niya sa Pinay recruiter. 

“Nagbigay po ako sa recruiter ng mga tao para sa pag-file ng stagionale paper para sa mga taga Geneva, Switzerland. Sana po matulungan ako na makuha sa kaniya (recruiter) ang ibang pera,” sabi ni Echague.

Nagbayad si Jeremy Sanchez (di tunay na pangalan) mula Tarlac ng 15,000 euros o mahigit P900,000 kay Echague, halagang ibinigay naman umano sa Pinay na nag-aasikaso ng lahat ng dokumento. 

Ipinakita ni Mark Aries Marcelo ang umano'y pekeng dokumentong ibinigay sa kaniya ng recruiter para makapunta sa Italy. Mye Mulingtapang, ABS-CBN Europe News Bureau

Nangako ang recruiter na sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan ay makakaalis si Sanchez. Pero lumipas ang mahigit 2 taon ay hindi pa rin siya nakakaalis. 

Nang malamang peke ang mga dokumento ay nagsabi pa ang recruiter na aayusin at pipiliting makaalis si Sanchez hanggang sa magtago na ito at di na muling nakontak pa.
 
"Noong una, 7k euro po hiningi. Tapos humingi ng humingi ng bayad. Almost 15k po nabayad namin. May mga ipinadala pang mga contract saka mga nulla osta. Fake naman pala," sabi ni Sanchez.

Ayon pa sa mga biktima at base sa mga hawak nilang ebidensiya, kasama ang asawa at anak at ibang pang kamag-anak ng Pinay recruiter na tumanggap ng pera. Ipinapadala nila ito sa pamamagitan ng iba't ibang money transfer services at mga taong pinakiusapan ng recruiter na magdala ng pera. Personal din diumanong tumanggap ang recruiter ng pera mula sa ilang biktima. 

Ayon naman kay Labor Secretary Silvestre Bello III, kailangan papanagutin ang mga illegal recruiter sa kanilang krimen. Hinihikayat ni Bello na magpunta ang mga biktima sa Department of Labor and Employment (DOLE) upang maghain ng pormal na reklamo.

“Unang-una, habulin natin lahat ng mga illegal recruiter na 'yan. At para mahabol natin sila, kailangan makausap natin 'yung mga biktima para sila ang magbigay ng ebidensiya laban sa mga illegal recruiter,” sabi ni Bello.

Dagdag ni Bello, nagbigay na rin siya ng proposal kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagtatatag ng isang task force laban sa illegal recruitment. 

Ito ay pamumunuan ng DOLE habang vice chairman naman ang Department of Foreign Affairs, at mga kasapi ang National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration at Philippine National Police.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.