Halos 600 OFW mula Kuwait na kumagat sa 'amnesty', balik-bansa na

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 12:54 PM

Dumating na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Miyerkoles ng umaga ang dalawang batch ng mga overseas Filipino worker (OFW) mula sa Kuwait na kumagat sa amnesty program.

Bandang alas-9 ng umaga lumapag ang Philippine Airlines flight PR669 lulan ang aabot sa 189 OFW.

Ang ikalawang batch naman ng OFW ay dumating sakay ng special chartered Cebu Pacific flight dala ang 396 OFW.

Sumatutal, 585 OFW ang lumapag, ang iba ay bitbit pa ang kanilang mga anak.

Ito na umano ang "pinakamalaking" batch ng OFW na pinabalik sa bansa nang simulan ang amnesty program.

Sa ngayon, mahigit 3,000 undocumented OFW na mula Kuwait ang nakabalik sa bansa.

Inaasahang libu-libong OFW pa ang mag-a-avail ng programa.

Samantala, pinalawig pa ng Kuwait hanggang Abril 22 ang amnesty period para sa mga overstaying OFW doon.

Tatlong linggo lang dapat aandar ang programa ngunit di daw ito sapat dahil mahigit 10.000 OFW sa Kuwait ang pinaniniwalaang overstaying o tumakas sa amo.

Binibigyan naman ng tulong pinansyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga dumadating na OFW.

Hinihikayat ng OWWA ang mga undocumented na Pinoy na mag-avail na ng ganitong programa.

--Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.