Pinay na natagpuan sa freezer sa Kuwait, nagtamo ng bugbog, baling tadyang

Maxxy Santiago, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Feb 15 2018 05:11 PM | Updated as of Feb 15 2018 09:18 PM

Hawak ni Eva Demafelis ang larawan ng anak na si Joanna, na natagpuang patay sa loob ng freezer sa isang abandonadong apartment sa Kuwait nitong buwan. Humihingi ng hustisya ang pamilya. Regi Adosto, ABS-CBN News

KUWAIT CITY - Mga pasa, trauma, internal bleeding at baling tadyang. 

Ito umano ang mga natamo ni Joanna Demafelis, ang overseas Filipino worker (OFW) na natagpuan ang bangkay sa loob ng freezer sa isang abandonadong apartment sa Kuwait nitong buwan.

Ayon kay Philippine Ambassador to Kuwait Renato Pedro Villa, inaasahan nilang makukuha sa susunod na linggo ang official autopsy report ng Criminal Evidence Department ng Kuwait Ministry of Interior hinggil sa pagkamatay ng OFW.

"Ang mayroon lang tayo ay 'yung binanggit, verbally, nung Kuwaiti forensics doctor na ang sanhi ng pagkamatay ng ating kababayan ay several contusions, trauma, internal bleeding, broken ribs at sinabi rin niya na 'yung pagmamaltrato sa kaniya (Demafelis) ay hindi lang nangyari ng isang beses but continuous or several times na ginawa sa kaniya," sabi ni Villa.

Ayon pa kay Villa, tapos na ang autopsy sa bangkay ni Demafelis at maiuuwi na ang mga labi nito sa Pilipinas. Huling nakitang buhay si Demafelis noong Setyembre 2016. 

"Iyong labi ni Joanna ay handa nang mai-ship o mailipad sa Manila at darating ito ngayong Biyernes sa Manila, mga alas-11 ng umaga at kinabukasan ay ililipad naman via PAL (Philippine Airlines) sa Iloilo," sabi niya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Napahagulgol naman si Shirley Demafelis nang mapanood ang video ng bangkay ng pinsan na kuha ni Villa ng bisitahin ito sa Al Sabah Hospital Mortuary.

"Diyos ko, hindi ako makahinga. Kanina, iyak na lang nang iyak," kuwento ni Shirley.

Tulad ng pinsan, household service worker din sa Kuwait si Shirley pero suwerteng mabait ang kaniyang naging amo. Pangalawang kontrata na rin niya ito sa iisang amo.

Pero dahil sa karumal-dumal na sinapit ng pinsan, uuwi na lang siya sa Pilipinas kasabay ng bangkay ni Demafelis.

Todo suporta rin siya sa total deployment ban para sa mga domestic workers sa Kuwait.

"Dapat lang naman. Hindi lang naman si Joanna ang nakakaranas ng mga ganun [na pang-aabuso]. Ang dami ditong nahihirapan na nagta-trabaho sa loob ng bahay," sabi niya.

Patuloy na tinutugis ng Interpol ang mag-asawang amo ni Demafelis na nasa likod umano ng kaniyang pagkamatay.

Samantala, pinatawag muli kahapon ng Kuwaiti Ministry of Foreign Affairs si Ambassador Villa para ipaliwanag ang inihaing diplomatic protest ng Department of Foreign Affairs sa Maynila.

Kasunod ito ng mga binitawang salita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kundisyon ng ilang OFWs sa Kuwait.

"Medyo nabahala lang sila doon sa strong diplomatic protest na natanggap, tinanggap nung kanilang Ambassador at doon ay ipinakita natin na nababahala tayo doon sa pagkamatay ni Joanna Demafelis at binanggit natin doon na mukhang hindi nila napapangalagaan ang security and safety ng ating mga kababayan sa Kuwait," paliwanag ni Villa.

Handa naman ang Kuwait at Pilipinas na mag-usap sa bilateral talks sa susunod na linggo.

"Nagkasundo kami na kung mag-uusap tungkol doon sa nabinbin na agreement on the deployment of Filipino workers, kung saan puwede nating dagdagan iyong proteksyon sa ating mga domestic workers ay malaking bagay kung masimulan ang pag-uusap dito," sabi niya.

Ipinapatupad pa rin ang total ban sa deployment ng newly hired na skilled at domestic workers patungong Kuwait habang hindi pa naisasaayos ang usapin ng proteksiyon ng mga OFWs dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.