Mahigit 300 OFW mula Kuwait, balik Pilipinas na

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 02:56 PM | Updated as of Sep 14 2018 02:21 PM

MANILA - Mahigit 300 na overseas Filipino workers mula Kuwait ang nakauwi na sa Pilipinas nitong Miyerkoles.

Lulan ng Philippine Airlines flight PR 669 at Gulf Air flight 154, sinalubong ang 316 na OFW ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs at Overseas Workers Welfare Administration.

Isa sa mga umuwing OFW si Anabel Fajartin na nagsabing nakaranas siya ng pagmamalupit sa mga among Kuwaiti.

"Binubugbog kami. Ikinulong din kami kaya lahat kami naglayasan," aniya.

Noong nakaraang linggo, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ban sa pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait dahil sa mga iniulat na pang-aabuso sa mga manggagawang Pinoy.

Isang Pinay rin kamakailan ang natagpuang patay sa loob ng isang freezer sa nasabing bansa.

Tiniyak naman ni Brigido Dulay, ang OWWA administrator for operations, na bibigyan ng tulong ang mga umuwing OFW.

Magbibigay daw ang gobyerno ng tulong pinansyal at pangkabuhayan upang makauwi ang mga OFW sa kani-kanilang mga probinsya.

Isasailalim din sa skills training ang mga OFW upang makapagsimula muli ng bagong kabuhayan.

Dagdag pa ni Dulay, inaasahan na aabot sa 300 kada araw ang uuwing mga OFW sa mga susunod na linggo base na rin sa bilang ng mga kumuha ng repatriation program ng pamahalaan.

May 250,000 na OFW sa Kuwait at 50,000 Pilipinong mangaggawa na undocumented.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.