Mga OFW mula Kuwait, nagsimula nang umuwi

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2018 07:03 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Magpapatupad na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng total deployment ban para sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait.

Sa Lunes inaasahang ilalabas ng ahensiya ang executive order at panuntunan hinggil sa ipapataw na deployment ban sa bansa sa rehiyon ng Middle East.

Nitong Linggo, dumating na ang unang batch na karamihan ay mga household worker.

Nasa 400 OFW ang inaasahang babalik sa bansa sa Lunes habang sa Martes naman nakatakda ang huling araw ng pag-uwi.

Voluntary o kusang-loob ang pag-uwi.

"Halimbawa inaapi, hindi nababayaran ng suweldo, puwede sila umuwi, lumapit lang doon sa ating POLO (Philippine Overseas Labor Office) Office o embassy, we will include them doon sa grupo na isasama namin pauwi," sabi sa DZMM ni Labor Secretary Silvestre Bello.

Biyernes nang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ban dahil sa mga iniulat na pang-aabuso sa mga manggagawang Pinoy.

Isang Pinay rin kamakailan ang natagpuang patay sa loob ng isang freezer sa Kuwait.

"We serve you, we help you ... is this the way you return our sweat?" sabi ni Duterte sa isang press conference.

Nilinaw naman ng DOLE na bukas pa rin si Pangulong Duterte na alisin ang ban depende sa sitwasyon.

Tinitingnan din ng ahensiya ang ibang bansa kung saan maaaring ipadala ang mga umuwing OFW.

"We are now in the process of looking for alternative markets. One of them is China and even Russia," ani Bello.

Dagdag ni Bello, posibleng alternatibo rin ang programang "Build, Build, Build" ng gobyerno dahil inaasahang gagawa ito ng milyon-milyong trabaho.

Kaugnay nito, magpapadala ang Cebu Pacific ng special flight sa Kuwait para ayudahan ang mga OFW.

Tinatayang nasa 2,000 ang bilang ng OFWs sa Kuwait na gusto nang umuwi.

May 250,000 OFW sa Kuwait at 50,000 Pilipinong mangaggawa na undocumented.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.