Pinoy na nasawi sa Paris fire, 'lolo' ng mga batang inaalagaan

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2019 04:03 PM

Nagluluksa ang mga Pinoy sa trahedyang sinapit ng mag-asawang Pilipino makaraan silang matupok ng apoy sa loob ng kanilang tirahan sa Paris, France bandang ala-1 ng madaling araw Martes (oras sa Paris). 

Ang lalaking namatay, itinuring daw na lolo ng inaalagaang mga bata sa Paris, at hinihintay pa ng pamilyang pinagsisilbihan noong umaga matapos ang aksidente. 

Kinumpirma ng mga kaanak na kabilang ang mag-asawang sina Francisco at Cresencia Abalos sa 10 nasawi sa sunog sa isang residential building sa Paris. 

Tubong Mangaldan, Pangasinan ang mag-asawa na may tatlong anak: isa ay nasa Pilipinas, isa sa Saudi, at ang isa ay nakatira rin sa Paris.

Labis naman ang dalamhati ng mga kaibigan at kaanak ng mga Abalos. 

"Nakaka-shock at nakakalungkot kasi kahit hindi natin sila kakilala eh kababayan natin sila. Kapamilya na ang turing mo 'pag nasa Paris ang mga Pilipino. Nakakasama ng loob, masakit isipin," ani Evelyn Yadao, isang overseas Filipino worker sa Paris mula sa Isabela. 

Ang mag-anak na Tiongco naman, nagluluksa sa sinapit ng mag-asawa lalo't dalawang taon nang babysitter si Francisco, kilala rin bilang Rico, ng dalawang anak nila.

"Kuya Rico is a very nice person sa two kids ko. Inaalagaan niyang mabuti. Ipinaramdam niya na lolo siya for my two kids. Super love niya lalo na 'yung bunso ko kasi siya 'yung nakakasama niya araw-araw from Monday to Friday," ani Nona Tiongco.

Ikinuwento ni Tiongco na tinawagan pa niya si Francisco kinaumagahan noong sunog. 

"Tuesday, hindi na siya pumasok, hinihintay ko siya 8 ng morning andu'n na dapat siya sa bahay. Tinawagan ko siya, di na siya makontak," kuwento ng ginang.

Patuloy ang pangangalap at pagbibigay ng tulong sa pamilya ng mga nasawi at sa iba pang Pinoy na biktima rin ng sunog. 

Inilahad pa ni Sherilyn Batag ang nasaksihan niya noong gabi na mangyari ang sunog.

"Super shocked ako sa mga nakita ko. Nagtatakbuhan na ang mga tao sa hallway, nagsisigawan... Pag naaalala ko sila pati mga sinapit nila, talagang nanginginig po ako," kuwento ni Batag. 

Emosyonal ang survivors nang malaman na nasawi na nga sa sunog ang kaibigan nilang mag-asawa.

"Talagang di ko mapigilan kasi close kami mula pa noong 1996. Napakabait ng mag-asawang 'yan... Sa mga nagmamahal sa kanila, sorry, hindi na talaga nila kinaya," ani Norma Batara. 

"Sobrang naaawa po ako sa kanila, dahil mabait po sila. Everyday kung di po si Kuya, si Ate po ang nakakasabay ko sa elevator. Napakahirap lang isipin," saad naman ni Batag. 

Nagpapasalamat naman ang mga Pinoy na nakaligtas sa mga kababayang kumupkop sa kanila noong gabi ng trahedya sa Paris. —Ulat ni Marilyn Rayray, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.