Pamilya ng OFW na nasa death row sa Dubai, humihingi ng tulong kay Duterte

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2017 08:26 PM

GENERAL SANTOS CITY - Umaapela ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pamilya ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Dubai na si Jennifer Dalquez.

Ayon sa ina ni Jennifer na si Rajima, nakulong ang anak niya noong December 12, 2014 at ngayon ay nasa death row matapos umano niyang mapatay ang Arabong nagtangkang gumahasa sa kanya noong December 8, 2014.

Mas nagpapabigat raw sa loob ni Rajima ang dalawang anak ni Jennifer na hinahanap ang kanilang ina kaya naman saklolo ang panawagan niya kay Duterte.

"Mr. President, tulungan niyo po ako. Masakit talaga sa akin. 'Yung mga anak niya, tanong ng tanong kung kailan siya darating at kung kailan siya uuwi. Ama din po kayo, alam kong naiintindihan niyo ako," aniya.

Galit naman ang tatay ni Jennifer sa mga Arabong nambabastos sa mga Pinay workers.

"Masama talaga ang kalooban ko. Walang kasalanan ang anak ko. Self-defense lang 'yung ginawa niya," aniya.

Humingi na rin ang pamilya ng tulong sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA) para hindi matuloy ang pagbitay kay Jennifer.

"Binigyan na siya ng abogada na nag-aasikaso doon. Nagpapasalamat ako dahil binigyan nila ng abogado pero mas magpapasalamat ako kung makakauwi ang anak ko," ani Rajima.

Inaasahang ilalabas ang hatol sa kaso sa darating na Sabado, February 11 at umaasa ang pamilya nito na makakaligtas sa bitay si Jennifer.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.