OFWs sa Abu Dhabi at Dubai, pinasalamatan ng ABS-CBN

Randy Lamsen and Rowie Dela Cruz, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Feb 06 2018 09:03 PM | Updated as of Feb 06 2018 09:33 PM

Bumisita si ABS-CBN President at CEO Carlo Katigbak, kasama si Cory Vidanes, Chief Operating Officer for Broadcast, at Global COO Olivia de Jesus, sa Abu Dhabi para personal na pasalamatan ang mga kapamilya doon.

Personal na tumungo sa United Arab Emirates (UAE) ang top executives ng ABS-CBN Corp sa pangunguna ni President and CEO Carlo Katigbak upang pasalamatan ang mga overseas Filipino workers sa kanilang walang-sawang suporta at patuloy na pagsubaybay sa mga show at teleserye ng Kapamilya network.

“Nandito po kami ngayon para makinig sa inyo kung may ibang serbisyo na kailangan ng mga kababayan natin dito na hindi pa natin naibibigay. Our goal is to be in the service of the Filipino and if there’s anything else that ABS-CBN can do to help Filipinos all over the world, please let us know,” ayon kay Katigbak sa thanksgiving dinner na inorganisa ng The Filipino Network sa Dubai.

Kasama ni Katigbak sa Dubai sina Cory Vidanes, chief operating officer for broadcast, at ABS-CBN Global COO Olivia de Jesus.

Imbitado sa pagtitipon sa Dubai ang mga trade and media partners, Filipino community groups, mga piling TFC subscribers at pamunuan ng konsulado ng Pilipinas.

“We want to do this more regularly because this is our way of not just thanking you but also making sure that our partnership continues,” sabi ni de Jesus.

Sa Abu Dhabi, tumungo sila sa isang villa kung saan nakatira ang kababayan na si Jessie Balasi Intendencia at humigit kumulang 25 Pilipino.

Nakasalamuha ni Katigbak ang mga kababayan doon kung saan ikinuwento nila kung paano ang kanilang pamumuhay nang magkakasama bilang magkakapamilya.

“Very proud and happy at kinararangal ko siyang makilala dahil isang CEO/Presidente ng isang malaking TV network sa Pilipinas. Isang pangarap na makasama at ngayon siya na mismo bumisita sa akin dito sa Abu Dhabi at doon ko naramdaman ang isang pagmamahal ng tunay na kapamilya,” pahayag ni Intendencia.

Sinegundahan naman ni Vidanes na maaari silang magkita sakaling umuwi ito sa Pilipinas.

“Nakaka-flatter na si Tita Cory Vidanes ay kasama sa mga bumisita, nangako siya na magdadala ang ABS-CBN ng kasiyahan sa mga kapwa ko OFW. At sinabi pa niya na magkita kami kung sakaling umuwi ako [sa] Pilipinas,” dagdag ni Intendencia.

Karamihan sa mga OFW ay naninirahan nang magkakasama o bed space upang makatipid sa renta ng pabahay sa UAE.

Sa datos ng UAE government, may naitalang tinatayang 600,000 OFWs na nagtatrabaho sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.