Sinulog Festival sa Europa, dinagsa ng mga deboto

Maricel Burgonio, ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2019 03:59 PM

Tinanghal na Queen of 2019 European Sinulog Festival si Geralyn Cabucos ng Vienna, Austria. Maricel Burgonio, ABS-CBN News

Tinatayang 3,000 mga debotong Pilipino mula Italya at ibang bansa sa Europa ang masayang nakilahok sa European Sinulog Festival sa Torino, Italy.

Isa si Geralyn Cabucos ng Vienna, Austria sa 11 reyna na nakilahok sa festival na ginanap noong Enero 27. Bilang isang deboto ng Sto. Niño, kahilingan niyang makapagsayaw bilang reyna sa Torino bago mag-40 anyos. Siya pa ang itinanghal na Queen of the Sinulog Festival.

“Sana dinggin ang mga panalangin namin,” sabi ni Cabucos.

Ang 38 anyos na si Cabucos ay tubong Cebu na may asawang Austrian at may tatlong anak.

May 17 taon na siyang naninirahan sa Austria at nagtatrabaho sa isang fast food chain.

Sa tagal na niyang deboto at naging dancer sa Sinulog Festivals sa Austria, maraming panalangin niya ang natupad para sa kaniyang sarili at pamilya.

“Magpapasalamat ako sa lahat lahat na mga biyaya na natanggap ko. 'Yun ang purpose ko,” sabi niya.

Para sa kaniya, mahalaga ang matibay na paniniwala sa Diyos at buo ang pamilya sa kabila ng mga problemang kinakaharap bilang overseas Filipino worker.

Tiniis ng mga deboto ang lamig na -4 degrees Celsius sa paglalakad suot ang kani-kanilang creative gowns at costumes habang patuloy ang pagsasayaw hawak ang Sto. Niño at may kaniya-kaniyang panalangin.

Tuwang-tuwa din ang mga Pinoy sa Torino at mga Italyanong first time nakakita ng Sinulog Festival.

Mayroon ding street dance presentations ang bawat grupo na dramatization ng birth of Christianity sa Pilipinas.

Host ngayong taon ang Filipino Chaplaincy of Turin. Kasamang nakilahok ang mga deboto mula sa Hamburg at Berlin sa Germany; Vienna, Austria; Lausanne, Switzerland; Liverpool, England; Madrid, Spain; at mga siyudad sa Italy tulad ng Bassano del Grappa, Padova, Bologna, Vicenza, Bergamo, Triesti, Lucca, Piacenza Mantova, Udine, Pordenone, Sacile, Venezia, Terraferma, Verona, Brescia, Como, Treviso, Modena, Conegliano at Milano. 

Inaasahang sa Vatican City isasagawa ang 2021 European Sinulog Festival, o ang ika-500 taong selebrasyon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.