PH, Kuwait nagkasundo sa employment contract para sa Pinoy household workers

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2020 01:08 PM | Updated as of Feb 04 2020 08:17 PM

Watch more in iWantTFC

Nilagdaan na ng Pilipinas at Kuwait ang isang kasunduan para sa isang employment contract, na layong paigtingin ang proteksiyon ng mga Pinoy household service worker sa nasabing Gulf state mula sa pang-aabuso.

Pinangunahan nina Labor Undersecretary Claro Arellano at Kuwait Assistant Foreign Minister for Consular Affairs Sami Al-Hamad ang pagpirma sa minutes ng joint committee meeting para sa Harmonized Standard Employment Contract ng mga Pinoy household service worker.

Dumating sa Kuwait noong weekend ang isang technical working group sa pangunguna ni Labor Secretary Silvestre Bello III para makapulong ang mga kinatawan ng Kuwait government kaugnay ng pagpoprotekta sa mga household service worker.

Nakapaloob sa kontrata ang mga panuntunan kaugnay ng pag-iingat ng mga household service worker sa kanilang mga pasaporte, paggamit nila ng cellphone, at paglipat sa kanila sa ibang employer nang walang pahintulot ng Philippine labor attaché, ayon kay Arellano.

Bukod sa kontrata, sinabi rin ni Bello na nangako sa kaniya ang Kuwaiti officials na mabibigyan ng hustisya ang pagpatay sa Pinoy worker na si Jeanelyn Villavende.

"I think we achieved what we came here for," ani Bello.

Muling nagpatupad noong nakaraang buwan ang Pilipinas ng total ban sa pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa Kuwait bunsod ng pagpatay kay Villavende, na sinisi sa mga Kuwaiti employer nito.

Bukod sa pambubugbog, nakita sa autopsy report ng National Bureau of Investigation na biktima rin ng sexual abuse si Villavende.

Noong 2018, nagbaba ang Pilipinas ng deployment ban sa Kuwait kasunod ng serye ng mga ulat ng mga pang-aabuso sa mga OFW doon, kabilang ang kaso ni Joanna Demafelis, na natagpuang patay sa loob ng freezer.

Inalis lamang ang ban nang lumagda sa kasunduan ang Pilipinas at Kuwait para sa proteksiyon ng mga OFW.

Umalis noong hapon ng Lunes sina Bello kasama ang 68 distressed overseas Filipino workers. Karamihan sa kanila ay hindi pinasasahod at pinakakain nang maayos, at mga biktima ng sexual, physical o verbal abuse.

Sa ngayon, nananatili pa rin ang deployment ban sa Kuwait.

-- Ulat ni Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.