Balik-pasasalamat: OFW, bakit binigyan ng bahay ng amo?

Rachel Salinel, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Feb 01 2018 03:40 PM | Updated as of Feb 01 2018 04:05 PM

Naguumapaw ang pasasalamat ni Ryan Celo at inang si Dina Tenerife Celo (Kaliwa) sa among si Melissa McPike at anak na si Saeed al Muhairi sa biyayang pabahay na iniregalo sa kanya. Rachel Salinel, ABS-CBN Middle East News Bureau

ABU DHABI, United Arab Emirates – Hindi makapaniwala ang mag-iinang amo ng isang overseas Filipino worker sa atensiyong kanilang natatanggap mula sa Filipino at expat communities mula nang mag-viral ang kabutihang ipinamalas nila sa kanilang Pinay housekeeper.

Biniyayaan ni Melissa McPike at ng kanyang mga anak na sina Saeed at Saif al Muhairi ng higit sa P400,000 ang kanilang Pinay housekeeper na si Dina Tenerife Celo para pambili ng lote at pampagawa ng bahay sa Pilipinas.

“It is a little overwhelming, a little embarrassing. We obviously did not do it for attention. We just wanted to do something nice for Dina…so yeah, it is a little strange,” pahayag ng among si Melissa.

Tulad ng ina, pareho rin ang nararamdaman ng anak na si Saeed. 

“I feel good. It’s a little embarrassing doing all these interviews and stuff because we just wanted to do something nice for someone. We were not expecting the media frenzy,” sabi niya.

Aginaldo ng mag-iina ang bahay kay Celo dahil sa maganda at dedikadong pagsilbi niya sa kanila mula 1998 hanggang 2001 at muli noong 2014 hanggang sa kasalukuyan.

“Dina is very humble. She is very shy. She is very trustworthy and she is very giving of her time,” papuri ng kanyang among babae.

Hindi naman matatawaran ni Saeed ang kontribusyon ni Celo sa pagpapalaki sa kanilang magkapatid.

“For sure she has taught me to be a better person and to always be loving and accepting and to do what makes you happy. And she taught me also how to make chicken adobo,” kuwento ni Saeed.

Gaya ng pasasalamat ng mga anak ni McPike kay Celo, ganoon din ang nararamdaman para sa kanila ng nag-iisang anak ng OFW na si Ryan Celo. 

“Maraming, maraming salamat po kasi tinulungan niya po kami. Lalung-lalo na po yung nanay ko. Higit sa lahat sobrang pagmamahal po nila sa nanay ko. Hindi po nila pinababayaan,” sabi ni Ryan, isang mekaniko sa Abu Dhabi.

Hindi kaila sa mag-iina na dumaan sa mapait na karanasan sa Saudi Arabia si Celo nang gahasain siya ng unang amo nang mamasukan bilang kasambahay sa Saudi Arabia. Si Ryan ang naging bunga ng naturang insidente. 
 
“Noong umuwi ako sa Bicol kung ano-ano ang naririnig ko. Minsan napaaway ako, pero sa kabila ng lahat tinibayan ko pa rin ang loob ko para buhayin ang anak ko,” sabi ni Celo.

Pero gaano man kabangis ang unos na kanyang pinagdaanan, itinuring itong hamon ni Celo para lalong magpursigeng mabigyan ng magandang buhay ang pamilya.

“Kung kayo man ay may kagaya kong mapait na karanasan, tuloy lang ang buhay. Tiwala lang at magpakumbaba. Tuloy lang ang buhay dahil hindi naman sa lahat ng oras na maghihirap tayo. Nandiyan din si God na bibigyan din tayo ng magandang buhay,” payo niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.