Pulong ng DFA sa Milan, tinalakay ang pagtulong sa mga OFW

Mye Mulingtapang, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Jan 31 2018 09:15 PM | Updated as of Feb 01 2018 07:28 AM

Pinangunahan ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang isang command conference sa Milan, Italy kasama ang 38 Philippine ambassadors, consuls, consuls general at heads of posts sa Middle East, Europe at Africa kamakailan para talakayin ang iba't-ibang isyu na kinakaharap ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa kanilang lugar.

Pagkakaroon ng dagdag na budget sa assistance to nationals at legal assistance fund at ang agarang pagtulong sa mga OFW na may kinakaharap na kaso o nalagay sa kapahamakan ang ilan sa tinalakay sa pulong noong Enero 27.

“Last year po, sabi ng Pangulo, inutusan ang DBM (Department of Budget and Management) from P400 million, P1 billion na po ang ating assistance to nationals fund at P200 million na po ang ating legal assistance fund,” sabi ni Cayetano.

Kasabay ng pulong ang paglulunsad ng IDole Card at Overseas Filipino Bank at ang pamamahagi ng karagdagang data capture machines sa iba’t-ibang Philippine embassies at consulates at iba pang mga programa at serbisyo para sa mga OFW.

Tugon ito ng gobyerno sa isyu ng passport renewal processing na kabilang sa tinalakay ng OFW leaders na kasama rin sa command conference.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakibahagi ang Filipino community leaders sa naging pagpupulong upang direktang maipaabot ang mga reklamo at suhestiyon ng mga kababayan sa kanilang lugar.

“Malaking tulong po dito sa Italy 'yung mga naging issues at 'yung mga puwedeng solusyon doon sa mga hinaing namin dito,” sabi ni Joel Ceredon, isang Filipino community leader sa Italy.

Habang nasa Europa, ipinaliwanag din ni Cayetano kung bakit tinanggihan ng gobyerno ng Pilipinas ang mahigit P380 million na trade-related technical assistance na ibinibigay ng European Union.

“Nag-submit kami ng language na kung saan masusunod pa rin ang batas ng EU pero hindi sila makakapaghusga o makakatapak sa ating sovereignty, pero sabi nila nagkulang na 'yung oras kaya winithdraw nila. Having said that, from the start, we want trade, not aid no at kaya natin tumayo sa sarili nating paa,” sabi ni Cayetano.

Hindi ito ang unang beses na tinanggihan ng gobyerno ang tulong ng EU. Noong nakaraang taon, tinanggihan ng Pilipinas ang bilyon-bilyong pisong halaga ng tulong matapos punahin ng EU ang kampanya ng administrasyon kontra droga.

Paglilinaw naman ni Cayetano, hindi naman nila pinipigilan ang direktang pagbibigay ng tulong ng EU sa mga biktima ng kalamidad gaya ng mga nasalanta ng bagyo pati ang mga naapektuhan ng labanan sa Marawi.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.