PatrolPH

OFWs sa Kuwait na gusto ng amnestiya, dagsa sa embahada

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2018 12:08 AM | Updated as of Jul 30 2019 05:28 PM

Watch more on iWantTFC

Dumagsa sa embahada ng Pilipinas sa Kuwait ang mga undocumented overseas Filipino workers (OFWs) para mabigyan ng pagkakataong makauwi nang hindi nagbabayad ng multa.

Inanunsiyo ng gobyerno ng Kuwait ang pagbibigay ng amnesty noong Enero 23 para sa lahat ng mga overstaying o undocumented na manggagawang Pinoy, ilang araw matapos magpataw ng deployment suspension ang DOLE sa mga manggagawang bibiyahe pa lang pa-Kuwait.

Isa sa mga maagang pumila sa labas ng embahada si Weesha Soriano na tatlong taon nang ilegal na nananatili sa Kuwait.

Ayon kay Soriano, maganda na mayroong amnesty para makauwi na sila nang legal sa Pilipinas.

Ayon kay Noordin Pendosina Lomondot, Chargé d'Affaires ng Philippine Embassy sa Kuwait, sakop ng programa ang mga OFW na may pasong visa, mga OFW na nakakulong dahil sa pasong visa, at residence violators. 

Sa tala ng Ministry of Interior ng Kuwait, aabot sa 10,000 ang bilang ng mga undocumented OFW sa Kuwait. 
    
Karamihan sa kanila ay mga kasambahay na tumakas sa kanilang mga umano’y mapang-abusong amo.

Tulad ng amnesty sa Saudi Arabia noong 2017, magbibigay ng libreng ticket ang gobyerno ng Pilipinas para sa mga undocumented OFW na mag-a-avail ng amnesty sa Kuwait.

Nakipag-ugnayan na ang embahada sa Philippine Airlines at Kuwait Airways na mayroong flights pabalik sa Pilipinas, ayon kay Lomondot.

Sa lahat ng mga nais umuwi sa ilalim ng amnesty program ng Kuwait, maaaring magtungo sa embahada para magpalista.
    
Dapat kumpleto ang requirements gaya ng passport size na retrato, photocopy ng civil ID, at passport o kahit anong valid ID.

Kung may katanungan, puwede ring tumawag sa numerong 65002612, ang amnesty hotline ng embahada.
    
Panawagan ng embahada sa mga undocumented OFW sa Kuwait ay kuning pagkakataon ang amnesty para makauwi sa Pilipinas.
    
Maaari namang mag-apply muli at magtrabaho sa Kuwait ang mga uuwi sa amnesty, pero depende pa rin kung tatanggalin ng DOLE ang deployment suspension o tuluyan nang ipapatupad ang deployment ban sa mga OFW doon.
    
--Ulat ni Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.