Parusa, hindi pagbabawal, solusyon sa isyung OFW sa Kuwait: eksperto

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2018 06:19 PM

Tutol ang isang eksperto sa banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyang ipagbawal ang pagpapadala ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait.

Kasunod ito sa mga napaulat na serye ng pang-aabuso sa mga OFW, na umano'y naging mitsa sa magkakasunod na pagkamatay ng pitong manggagawang Pinoy sa bansang nasa rehiyon ng Persian Gulf.

"Mare-resolve naman natin 'yang problema sa Kuwait kung malalaman natin at mapaparusahan natin itong mga ahensiya, local or foreign, who were negligent in helping our OFWs," sabi ng recruitment at migration expert na si Emmanuel Geslani sa panayam ng ABS-CBN News.

Ayon kay Geslani, mamamayagpag lang ang illegal recruitment at human trafficking kapag tuluyang ipinagbawal ang pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa Kuwait.

Ganito aniya ang nangyari nang itigil ang pagpapadala ng mga OFW sa United Arab Emirates noong 2014 at Lebanon noong 2007.

Noong nakaraang linggo, sinuspinde ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pag-proseso sa overseas employment certificates (OECs) ng mga Pinoy na nais sanang bumiyahe pa-Kuwait.

Watch more in iWant or TFC.tv

Imbestigasyon

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, layunin din ng suspensiyon na bigyang daan ang imbestigasyon sa pagkamatay ng pitong OFW.

"Mayroon nagsasabi na nagbigti daw, 'di naman kapani-paniwalang apat [sa pitong namatay] nating kababayan ay nagbigti," sabi sa DZMM ni Bello nitong Huwebes.

"Kapag napatunayan na 'yong violent death ng ating kababayan ay gawa ng employers nila, pag-aaralan 'yong total ban ng deployment," dagdag ng kalihim.

Isang linggo hanggang 15 araw ang itinakdang oras para isagawa ng labor attache sa Kuwait ang imbestigasyon.

Miyerkoles nang magbanta ang Pangulo na bawiin ang lahat ng manggagawang Pinoy sa Kuwait kapag may panibagong kaso ng OFW na namatay roon.

Dagdag ni Bello, aalisin ang suspensiyon sa pagpapadala ng mga OFW kapag napawalang sala ang mga employer at recruitment agency ng mga nasawi.

Ibinahagi ni Bello na mayroong nakabimbing kasunduan sa pagitan ng Kuwait at Pilipinas na naglalayong bigyan ng karagdagang proteksiyon ang mga OFW.

Pero hindi pa rin umano ito pinipirmahan ng Kuwait.

"Matagal na doon nakabinbin sa kanila 'yong memorandum of understanding between Kuwait and the Philippines which provides additional protection to our OFWs. Ang tagal na noon, 'di pa rin pinipirmahan, 'di nila binibigyang pansin," ani Bello.

Isa sa mga mahalagang nakapaloob sa kasunduan ay ang paghawak ng mga OFW sa kanilang mga pasaporte.

Karaniwan umano kasing kinukuha ng mga amo ang mga pasaporte upang gamitin sa panggigipit sa mga OFW.

"'Pag dating nila doon, 'yong kanilang passport hawak nila," ani Bello.

Nais din ni Bello na tugunan ang suliranin sa mga ahensiya sa Pilipinas na umano ay kasabwat o pagmamay-ari ng mga ahensiya sa Kuwait. 

Ito umano kasi ang isa sa mga dahilan kung bakit nabibitag sa pang-aabuso ang mga Pilipino roon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Di sakop ng ban

Nilinaw naman ni Labor Undersecretary Bernard Olalia na hindi sakop ng umiiral na deployment ban ang mga OFW sa Kuwait na nagbakasyon sa bansa at babalik sa Kuwait.

"May existing na kontrata na kailangan igalang," ani Olalia sa panayam ng DZMM.

Ayon kay Olalia, na isa ring administrador sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), mayroong nakabimbing higit 5,100 welfare cases sa Kuwait at 95 porsiyento rito ay kinasasangkutan ng mga kababaihan.

Kabilang sa mga iniulat na mga welfare case ay mga kaso ng physical maltreatment, contract violation, at rape o panggagahasa.

Ani Olalia, higit 60 sa mga welfare case ay kaso ng panggagahasa.

Tiniyak naman ng pamahalaan ng Kuwait na handa itong makipag-usap sa Pilipinas hinggil sa isyu sa mga OFW.

-- May ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.