Mga Pinoy sa Moscow, pinag-iingat dahil sa umano'y mga bomb threat

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2020 02:29 AM | Updated as of Jan 22 2020 02:38 AM

RUSSIA—Pinag-iingat ang mga Pilipino sa Moscow kasunod ng kaliwa't kanang bomb threat ng iba ibang establisimiyento sa lugar.

Ayon kay Philippine Ambassador to Russia Carlos Sorreta, dapat sumunod ang mga Pilipino sa mga babala at abiso ng Russian Federation.

Kabilang sa mga lugar na nakatanggap ng bomb threat ang mga istasyon ng metro o public transport, mga paaralan, mga shopping mall, mga korte, at iba pang lugar.

Bagama't nababalita na hoax o peke ang mga bomb threat, payo ng embahada na huwag itong maliitin at dapat pa ring sumunod kapag iniutos na lisanin ang isang lugar upang matiyak ang kaligtasan.

Umabot sa 10,000 katao ang in-evacuate sa Moscow ngayong araw dahil sa mga bomb threat na nagsimula Nobyembre 2019.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ng Russia kung sino ang nasa likod ng mga bomb threat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.