Ina nag-aalala sa kaligtasan ng anak na nagtatrabaho sa Iraq

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2020 01:16 AM

DAVAO CITY—Nababahala ang isang ina para sa seguridad ng kaniyang anak na nagtatrabaho sa Iraq sa kabila ng tensiyon sa pagitan ng Amerika at Iran.

Kinakabahan at hindi mapigilang napapaisip si Nida Obra sa kalagayan ng kaniyang anak na si Shiela na nagtatrabaho sa paliparan sa Baghdad, Iraq sa loob ng 2 taon.

Ipinag-utos kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mandatory evacuation sa mga Pilipino na nasa Iraq dahil sa kaguluhan sa Gulf region matapos paslangin ng Amerika si Iranian military commander Qasem Soleimani.

Ayon kay Nida, hindi pa uuwi ang kaniyang anak dahil malayo umano sa pinagtatrabahuan nito ang lugar kung saan nangyari ang pag-atake ng Iran sa military base ng Amerika sa Iraq.

"Sabi niya, ‘Huwag ka lang mag-alala ma dahil may naka-standby naman na sasakyan sa company, in case na magkagulo talaga. Dadalhin naman kami sa mas ligtas na lugar,'" aniya.

"Pero siyempre kung ako, gusto ko ng umuwi na lang siya. Pero pinakitaan niya ako ng mapa. Malayo daw talaga sila sa binombohan."

Base sa pinakahuling tala ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Davao Region noong Setyembre 2019, may 34 na Pilipino na mula sa Davao Region ang nagtatrabaho sa Iran at Iraq.

Dagdag ng ahensiya, 7 rito ay itinuturing na "active" o may record sa kanilang ahensiya at 27 na ang "inactive" o posibleng natapos na ang kontrata o lumipat na sa ibang trabaho.

Payo ng OWWA sa mga pamilya ng overseas Filipino workers (OFWs), sabihan ang kanilang kapamilya na makipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas sa Iran at Iraq para matulungan kaagad sila kung sakaling kinakailangan na silang ilikas.

"'Yong mga kaanak na may difficulty na i-communicate ang kanilang kaanak, makipag-ugnayan lang dito para ma-relay natin doon sa embahada," ani Ron Lionel Bartolome, regional director ng OWWA-Davao Region.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.