Tensiyon sa pagitan ng US, Iran 'humupa' pero paglikas sa mga Pinoy tuloy

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2020 08:36 PM | Updated as of Jan 09 2020 09:11 PM

MAYNILA — Matapos magpaulan ang Iran ng 22 missile sa mga base-militar ng Iraq na kinalalagyan ng mga tropang Amerikano, nag-tweet ang Iranian foreign minister na sinasabing nagawa na nila ang "karampatang paghihiganti" sa Estados Unidos, at wala silang interes na makidigma pa.
    
Sagot ito ng Iran sa pagpatay ng Amerika kay Iranian general Qasem Suleimani, na kinikilala nilang respetadong opisyal na malaki ang naitulong sa pagpuksa ng Isis sa Syria, pero itinuturing na terorista ng US.

Kinagabihan, inanunsiyo naman ni US President Donald Trump na hindi na rin muna nila ipagpapatuloy ang mga pag-atake at sa halip ay magpapataw na lang sila ng mga economic sanction na magpapahirap sa ekonomiya ng Iran. 
    
Umasa ang ilan na baka hanggang doon na lang ang palitan ng karahasan.

Ang ilang overseas Filipino workers (OFW) sa Gitnang Silangan, tila nakahinga nang malalim dahil dito. 

Ang mga Pinoy sa Saudi Arabia, parang nabunutan ng tinik sa puso.
 
"Nagpapasalamat po kami sa Iran at sa US at hindi po nila itinuloy ang kanilang mga banta sa isa’t isa. Kami po ngayon ay kalmado na sa Saudi Arabia. Hndi na po kami nangangamba," ani Arvin Felipe, OFW. 

Pero ayon kay Special Envoy to the Middle East na si Roy Cimatu, may mga nakikita siyang senyales na hindi pa tapos ito.

"In my opinion hindi pa ito tapos... There could be something bigger that will happen... Hindi gaya noon, masyadong unpredictable ang situation," ani Cimatu.

Umalis na pa-Qatar si Cimatu nitong Huwebes para pangunahan ang paghahanda para sa paglilikas ng mga OFW sa Middle East.

Tuloy pa rin daw ang planong paglilikas ng mga Pinoy dahil wala pa ring kasiguruhan kung talagang payapa na ang lahat.

Ayon kay Cimatu, kailangan pa ring abangan kung paano pa ipaghihiganti ng Iran ang pagpatay kay Suleimani lalo't walang tinamaan sa missile strike nila. 

May pagkilos din ang Amerika na ikinababahala niya.

"Iyung deployment ng 82nd airborne division to Kuwait from the States, is that an escalation? I think it is."

SIMULA NG SIGALOT

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang dekada nang may alitan ang Amerika at Iran pero ilang beses silang nagbanggaan ngayong taon.

Noong Mayo, nagalit ang Iran sa US nang umatras ito sa isang nuclear agreement na nagtatanggal sana sa mga economic sanction sa Iran kapalit ng paghinto nito sa paggawa ng nuclear weapons.
    
Noong Hunyo, pinabagsak ng Iran ang isang drone ng Amerika na pumasok sa Iranian airspace.
    
Disyembre 27, napatay sa rocket attack ng Iran ang isang American contractor. Kinabukasan, nagpabagsak naman ang Amerika ng mga missile na pumatay sa ilang militia na sumusuporta sa Iran.
 
Disyembre 31 naman, nilusob ng mga militia na sumusuporta sa Iran ang American Embassy sa Baghdad, Iraq.

Hanggang sa dumating ang Enero 2 at pinatay na ng Amerika si Suleimani dahil daw may plano pa ito na umatake.

HINDI PA KAMPANTE

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa halip na maging kampante, nais ni Cimatu na gamitin ng Pilipinas ang pansamantalang katahimikan para maglabas na ng maraming Pilipino sa Iraq na inaasahang magiging unang sentro ng karahasan kung pumutok man ito.

Ganito rin ang tingin ng Palasyo.

"Good news for all of us, if the conflict has deescalated instead of escalating then that’s good news for everyone, especially for our overseas workers. But nevertheless the move to evacuate and repatriate is still going on," ani Presidential Spokesman Salvador Panelo. 

Ayon kay Cimatu, handa na ang mga plano para ilabas ng Iraq ang mga OFW. Isasakay sa bus ang mga OFW patungong Erbil at Amman, Jordan kung magsara man ang airport sa Baghdad.
    
Mas mainam raw na lumikas na habang wala pang karahasan para mas madali silang dalhin sa transit points sa Qatar at Dubai kung saan may 3 araw sila para maiuwi sa Pilipinas ng mga Pinoy airline companies.

—Ulat nina Chiara Zambrano, Maxxy Santiago, at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.