Organizers ng 'malaswang' Christmas party sa Israel pinagpapaliwanag ng embahada

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2018 09:10 PM

Kuha ni Niño Ruelo Barzaga

Pinagpapaliwanag ng Philippine Embassy sa Tel Aviv ang mga organizer ng isang umano'y malaswang Christmas party ng mga Pilipino sa Israel.

Viral at umaani ng batikos ngayon sa social media ang mga larawan at video ng isang stripper na nagsayaw sa nasabing party.

Sa pahayag na inilabas ng Department of Foreign Affairs, sinabi ni Philippine Ambassador to Israel Nathaniel Imperial na walang kinalaman ang embahada sa event.

Ayon sa diplomat, ang naturang party ay inorganisa ng tatlong organisasyon ng mga Pilipino sa Israel: ang Filipino Workers Association, Israel OFW Association, at fraternity group na Israel Council.

Bagama't aminado siya na pumunta doon ang mga representative ng embahada na sina Consul Reichel Quiñones at Cultural Attaché Geraldine Gamoso, hindi raw nila alam na may ganitong pagsasayaw sa party dahil umalis na sila bago ito magsimula.