MULTIMEDIA

2019 Yearender: Mga nangunang ulat-krimen sa 2019, bata ang biktima

Angela Coloma at Jauhn Villaruel, ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2019 07:59 AM | Updated as of Dec 29 2019 03:34 PM

MAYNILA — Hindi ito ang taon ng mga bata. 

Sa pagpasok pa lang ng 2019, ilang karumaldumal na krimen na kinasangkutan ng mga bata ang gumulantang sa mga Pinoy. Sa pagdaan ng mga buwan, tumambad pa ang ilang kuwento ng karahasan na bumiktima sa mga dalagita, binatilyo, at paslit. 

Walo sa 10 pinakamalalaking krimeng naiulat ng Patrol.PH ay tungkol sa pagkamatay o pananakit sa mga kabataan.

10 ANYOS NATAGPUANG PATAY SA TAHANAN NG KAPITBAHAY

Isang 10 anyos na batang babae ang natagpuang patay sa tahanan ng kanilang kapitbahay sa Talisay City, Negros Occidental noong Enero 4 ng gabi.

Ayon sa ulat ng mga pulis, natagpuan ang bata na nakatali sa ilalim ng lababo at may takip na plastik ang ulo.

Lumalabas sa imbestigasyon na alas-8 ng gabi nang lumabas ng bahay ang bata para umano magbigay ng resulta ng small town lottery sa mga kapitbahay pero hindi na ito nakabalik.

Martian Muyco, ABS-CBN News

PADYAK DRIVER ARESTADO SA PANGHAHALAY, PAMBUBUNTIS NG 10 TAONG GULANG

Inaresto ang isang 40 anyos pedicab driver dahil sa umano'y panghahalay sa 10 taong gulang na babaeng kaniyang nabuntis sa Las Piñas.

Kapitbahay ng pamilya ng biktimang si "Kelly" ang suspek na si "Jaime," na isa ring volunteer tanod ng barangay.

Araw-araw na hinahatid at sinusundo ng suspek ang Grade 5 na biktima sa paaralan nito.

Napansin ng ina ni Kelly na nahinto ang buwanang dalaw nito. Doon na nadiskubreng buntis ang bata, dahilan para aminin niya na noong Enero pa nagsimula ang panghahalay sa kaniya ni Jaime.

Watch more in iWantv or TFC.tv

George Calvelo, ABS-CBN News

'Binaril na Grade 7 student, dati nang hinalay ng suspek’

Hulyo 4 nang paslangin sa loob mismo ng kaniyang classroom at sa harap ng mga kamag-aral ang Grade 7 student na si alyas "Makoy."

Binaril nang 2 beses si Makoy ng kaniyang nakarelasyong lalaki na si Renando Valderama.

Bago gawin ng suspek ang krimen, humugot pa umano ito sa kaniyang Facebook na nagpapahiwatig ng labis na pagkabigo sa pag-ibig.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, ilang araw bago ang pamamaril ay kinasuhan ni Makoy ng sexual abuse kaugnay ng Republic Act 7610 ang suspek.

Calamba City Police Station.

DALAGITA SA CEBU, DI LANG BINALATAN, TINANGGALAN DIN NG ILANG LAMANLOOB

Tila hango sa bangungot ang pinagdaanan ng 16 anyos na si Christine Silawan na tubong Lapu-Lapu City, Cebu.

Marso 11 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng dalagita, na nagtamo ng 30 saksak.

Pero bukod sa sangkatutak na saksak, binalatan ang mukha ng menor de edad hanggang sa buto na lamang niya ang makikita.

Inalis din ang dila, esophagus, at trachea ni Silawan. Tinanggal din umano ang kaniyang kanang tainga.

Annie Fe Perez, ABS-CBN NEWS

GINANG NA NAWAWALA NATAGPUANG PATAY, NAAAGNAS SA LOOB NG CONDO

Isang linggo matapos ang Bagong Taon, kumalat sa social media ang post ng isang anak na hinahanap ang kaniyang inang si alyas "Sonya."

 Matapos ang isang linggong paghahanap, sa wakas ay nakita na si Sonya sa loob ng isang condo unit sa Cordova Tower pero wala na itong buhay at naaagnas pa.

Ayon sa pamilya, ilang linggo bago matagpuang patay si Sonya, may ipinakita itong tsekeng nagkakahalaga ng P2 milyon mula umano sa kaniyang "kliyente."

Naghihinala ang pamilya na may kinalaman ito sa krimen.

screengrab

BABAENG NAMEKE NG DOKUMENTO, IDINAWIT DIN SA PAMUMUGOT, ‘TEST DRIVE ’MODUS

Naaresto noong Enero ang isang babaeng dawit umano sa pamumugot ng ulo ng kasambahay at pagtangay ng mga luxury car na ibinebenta sa kaniya.

Kinilala ang suspek na si Aleli Yap, na naaresto sa pamemeke ng mga dokumento para sa paupahang bahay matapos magpanggap na broker ng bahay sa Alabang.  Noong 2017 nadawit si Yap sa pagkamatay ng kaniyang kasambahay na si Richelle Sagang, na katawang pugot na lamang ang natagpuan. 

Oktubre 2018 naman nang inireklamo si Yap sa pagtangay sa ilang luxury vehicles matapos ipaalam na ite-test drive muna niya ito bago bilhin.

Screengrab, ABS-CBN News

2 ‘NI-LIVESTREAM ANG PANGHAHALAY’ SA 7 ANYOS NA KAPATID HULI

Naaresto ang dalawang magkapatid na lalaki sa Taguig City na ini-livestream umano ang kahalayan na ginawa sa kanilang 7 anyos na kapatid na babae.

Nahuli ang mga suspek matapos magpanggap na pedophile ang isang pulis para bilhin ang video. Nang mag-umpisa ang live streaming, sinalakay na ng mga pulis ang lokasyon, at inaresto ang mga suspek, na naharap sa patong-patong na kaso.

Screengrab, ABS-CBN News

MAG-ASAWANG ‘BINUBUGAW, PINAGTATALIK’ ANG 2 ANAK, HULI

Sa kulungan ang bagsak ng mag-asawang ibinubugaw at pinagtatalik umano ang dalawang anak sa Taguig City noong Enero.

Nakuha sa cellphone ng suspek na si alyas "May" ang ilang video kung saan nakikipagtalik umano si May sa binatilyong anak. Makikita rin umano sa hiwalay na video na inuutusan niyang gumawa ng kahalayan ang magkapatid na anak.

Lumalabas sa imbestigasyon na pinapadala ni May sa isang Amerikano ang mga video. Buwan-buwan din umano itong nagpapadala ng sustento at napagkasunduan nang mapapangasawa nito ang anak na babae ni May.

Screengrab, ABS-CBN News

VIRAL: NAGKAKAINTINDIHAN? CHESS TEACHER HULI SA PANGHAHALAY NG ESTUDYANTE

Nitong Hunyo, nagulantang ang ilang netizens sa pagkalat ng video ng isang lalaki na tila minomolesiya ang isang 10 anyos na bata sa loob ng jeep sa Baguio City.

Kasabay ng post ay mga larawan ng lalaki kasama ang bata sa Burnham Park kung saan ipinagpatuloy pa ang kalaswaan.

Naaresto ang suspek, at nabatid na chess instructor ito ng bata. Pero iginiit ng suspek na "nagkakaintindihan" sila ng bata at karelasyon niya umano ito. 

Screengrab, ABS-CBN News

‘Low morale na’: Diary ni Darwin Dormitorio idinetalye ang ilan sa naging pangamba sa PMA

Ilang araw matapos ang pagpanaw ng kadeteng si Darwin Dormitorio sa hinihinalang hazing noong Setyembre 18, lumabas ang diary nito.

Sa ilang entry na isinulat ng kadete mula Hulyo 31 hanggang Agosto 13, 2019, ibinahagi ng kadete ang ilan sa mga naging takot niya sa pagsabak sa Philippine Military Academy sa Baguio.

"Today I slept a lot during class. I never thought that being able to reach regular corps is very frightening even though the real thing did not start yet," wika niya.

Sa ilang pagkakataon, binanggit din ng nasawing kadete na nanlulumo na siya habang nagtatagal sa loob.

Sinabi rin ni Dormitorio na nais na niyang makapiling ang kaniyang pamilya at nagkuwento rin siya tungkol sa kaniyang pamamalagi sa ospital matapos ang hinihinalang hazing.

Screengrab, ABS-CBN News