MULTIMEDIA

Mga pamilya ng nawawalang tao, umaasa pa rin na makikita ang minamahal

Martin San Diego, ICRC handout

Posted at Aug 30 2019 12:31 PM

May dalawang supling si Rowena* kay Anton* nagtrabaho bilang construction worker sa Marawi City sa mahigit na tatlong taon.
(*Hindi nila tunay na pangalan.)

Hindi na nila muling nakita si Anton mula nung magkagiyera sa Marawi noong 2017.

Halos araw-araw siyang umiiyak dahil sa hirap ng pagtataguyod sa dalawang bata, at sa pagkawala ni Anton. Hanggang ngayon, nananalangin pa rin siyang buhay ang kanyang mahal.

Hindi nag-iisa si Rowena. May mga kamag-anak siyang patuloy na naghahanap ng kanilang mga asawa at anak na mga construction worker din sa Marawi nang magsimula ang gyera doon.

Araw-araw may mga taong nawawala sa buong mundo ng dahil sa iba’t ibang dahilan, gaya ng digmaan, kaguluhan, kalamidad, o di kaya ang migration o paglisan sa tinitirhang lugar o bansa.

Mahigit 45,000 na bagong kaso ang narehistro noong 2018 sa Central Tracing Agency ng International Committee of the Red Cross (ICRC). Higit pa rito ang totoong dami ng taong nawawala sa buong mundo at hindi napapakita ng mga numerong ito ang sakit na dinaranas ng mga pamilyang nawalan.

Pero nitong Hunyo 2019, naglabas ang UN Security Council ng isang napakahalagang resolusyon na nagbibigay ng kahalagan sa isyu ng mga nawawalang tao. Inuudyok ng UN Security Council ang mga bansa na gawin ang kanilang mga obligasyon, umaksyon para maiwasan, at maagap na solusyunan ang isyu upang ang mga pamilyang nahiwalay dahil sa gyera ay magkasamang muli, o di kaya’y mabigyan ng kalinawan ukol sa kanilang nawawalang kamag-anak.

Layon ng ICRC, isang neutral at independent na organisasyon, na tumulong sa mga kagaya ni Rowena sa patuloy nilang paghahanap ng kanilang mga kamag-anak na nawala dahil sa armadong kaguluhan.

Wala akong trabaho… siya lang yung inaasahan ko. Tapos dalawa yung anak namin. Nung una nung bago pa nangyari yung pagkawala niya, yung dalawang anak ko nagdedede pa. Litong-lito kasi ako noon paano yung panggatas nila, yung pagkain namin. Sobrang sakit... Buhay yung nawala samin. Hindi na yun maibabalik kahit kailan. Kaya ayun, sobra sobra sakit.

Ngayon wala pa nga kaming bahay. Hindi kasi ito sa amin. Yung dalawa kong anak, kailangan ako yung mag-alaga sa kanila kasi sobrang liit pa. Yung mga magulang ko, nasa malayo at matatanda na. Tinutulungan nila ako sa pangtustos sa mga bata. Pero sobrang hirap... yung mag-isa lang, na wala kang kasamang magtaguyod sa kanila.

Ito, gustong-gusto niya ito… kasi favorite niya yung white. Binili ko sa kanya. Wala akong balak ipamigay ang mga damit niya. Hintay lang. Halos araw-araw siyang hinahanap ng mga anak namin. Kahit makakita lang sila ng parang sa tingin nila na katulad ng papa nila, tatawagin nilang papa. Yun ang masakit sa akin. Kasi maliit pa sila… hindi ko pa alam kung paano ipapaliwanag sa kanila kung nasaan yung papa nila. Pag tinawag nila papa nila, sasabihin ko lang na nagta-trabaho.

Hindi “showy” si Anton pagdating sa maraming tao. Okay lang pag kaming dalawa, malambing yun. Siya yung tipong lalaki na pag nagtatampuhan kami, siya yung unang nagso-sorry. Hindi niya kaya yung ilang araw kaming hindi nagkikibuan. Hindi pa kami kasal. Nag-propose pa lang siya.

Okay siya, maalaga naman yan sa anak niya. Pag andito yun, wala siyang trabaho… pinapakain niya, kinakarga niya itong dalawa. Marami siyang dala, marami siyang binibili para sa anak niya. Yung pera niya binibigay niya sa akin.

Ngayon, ako yung mama at papa nila. Tapos yung pangangailangan namin… iba yung may sariling kita ka. Iba yung umaasa ka lang sa iba, umaasa ka sa tulong-tulong. Kaso, paano ako magtatrabaho kung maliit pa yung mga anak ko?

Malaking tanong ko sa sarili at saka sa gobyerno natin, bakit hanggang ngayon wala pa ring kasagutan ang mga katulad namin na nawalan. Masakit sobra, sobrang sakit.

Hanggang hindi ko pa alam kung ano talagang nangyari, parang ang hirap mag... kung saan ako magsimula. Kasi ang daming tanong sa isip ko na gumugulo sakin… kasama na yung kung paano ko sila bubuhayin. Sana buhay pa siya. Siyempre, halos kami lahat, umaasa kami kasi wala naman kaming nakitang ano… hindi naman namin na-prove na wala na sila, patay na. Sana nga, sana buhay pa. Sana.

-----
Kung nais ninyong humingi ng suporta sa ICRC para hanapin ang kamag-anak na nawala sa Marawi crisis, maaari ninyong kontakin ang mga numerong ito:

Iligan: 0921-8096803 (Smart) and 0917-8645818 (Globe)
Zamboanga: 0947-9703578 (Smart) and 0956-6923181 (Globe)

Lahat ng impormasyong ibinahagi sa ICRC ay mananatiling kumpidensyal.