Iniwan sa harap ng San Isidro Parish Church sa bayan ng Libungan, Cotabato sa mismong bisperas ng Pasko noong Disyembre 24 ng hapon ang apat na batang magkakapatid, ayon sa Libungan Municipal Police na nakadiskubre at tumulong sa mga bata.
Kabilang sa apat na na-rescue ang 8 anyos na babae, 6 anyos na lalaki, 2 anyos na babae, at 3 buwang sanggol na nadatnan ng mga pulis na umiiyak at namumutla na.
Ayon sa mga pulis, mahigit limang oras silang iniwan ng kanilang ina sa harap ng simbahan. Ito'y matapos naglayas ang kanilang ina at isinama ang mga bata dahil sa alitan sa live-in partner.
Iniwan umano ng ina ang mga bata para makahingi ng tulong pinansyal na makauwi sa Davao del Norte, pero nang binalikan nito ang mga bata sa simbahan bandang 8 p.m., wala na ang mga ito matapos ni-rescue ng pulisya.
Ayon sa Libungan Police, binigyan nila ng pagkain ang mga bata habang pinalitan ng diaper at pinainom ng gatas ang sanggol.
Dalawang araw namalagi sa himpilan ng pulisya ang mga bata kasama na rin ang ina bago sila muling nakauwi sa kanilang tahanan.
Binigyan din ang ina at mga anak nito ng mga lumang damit, bigas, grocery items, at cash assistance.
Nagpapasalamat naman ang ina na natulungan sila ng mga pulis lalo na sa panahong hirap silang makapag-Pasko na buo ang pamilya.
- ulat ni Hernel Tocmo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.