PatrolPH

Testing czar itinangging ‘na-hostage’ ang mga balikbayan, foreigner sa quarantine

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2020 06:18 PM

Watch more on iWantTFC

Inalmahan ni Bases Conversion and Development Authority chief at testing czar Vince Dizon ang reklamo ng ilang Pilipino na bumalik sa bansa na tila naging “hostage” sila sa dinatnang quarantine facilities. 

Matatandaang nagpapatupad kasi ngayon ng travel restrictions ang pamahalaan sa nasa 20 bansang nakitaan ng bagong variant ng COVID-19, at bilang bahagi ng protocols ang mga Pinoy na galing sa mga bansang ito at mga foreigner na nakarating na sa bansa ay dapat sumailalim sa mandatory 14-day facility-based quarantine. 

Ilang Pinoy ang nagreklamo sa umano’y madumi at mabahong pasilidad, partikular sa dinatnan nilang quarantine facility sa Batangas. 

“So mayroon po kasing mga napabalita na hino-hostage daw po ang ating mga kababayan at ilang mga dayuhan. Hindi naman po ito totoo. Ito po ay kasama sa mga napakaistriktong kailangan nating gawin para mapigilan ang pagpasok ng bagong strain ng COVID-19 kaya po kailangan 14 days po sila mag-stay sa isang facility bago sila makauwi sa kani-kanilang mga final destination,” ani Dizon. 

Hindi rin aniya totoo na tila walang koordinasyon sa hotel sa Batangas dahil matagal na aniya itong ginagamit na quarantine facility. 

Aminado naman si Dizon na hindi 5-star hotel ang Canyon Woods sa Batangas kung saan dinala ang mga iqu-quarantine, pero iginiit niyang disente at maayos naman ito. 

Gayunman, hindi naman nila pinilit ang mga Pinoy at foreigners na dito manatili. 

“Pero binigyan po natin ng choice, ng option ang iba nating mga kababayan at iyong mga foreigner na kung mayroon silang gustong ibang hotel, puwede po silang pumili nang mas magandang hotel sa listahan ng DOH at ng National Task Force. Pero iyon pong hotel na iyon na mapipili nila na mas maganda eh kailangan po sila na po ang magbabayad noon dahil hindi na po kaya ng gobyernong bayaran ang mas magandang hotel dahil ito po ay mas mahal,” aniya. 

Samantala, inihayag naman ni Dizon na maayos naman umano ang kundisyon ng mga sumasailalim sa quarantine sa New Clark City kung saan dinala ang karamihan na galing United Kingdom. 

“Magbibigay din po tayo ng special na meal sa kanila para naman po maganda-ganda po ang kanilang Media Noche kahit na po alam natin na medyo mahirap ang dinadaanan nila ngayon dahil hindi nila kasama ang kanilang mga pamilya pero pinipilit po natin na kahit papaano po naibibigay po ng ating gobyerno ang kanilang mga kailangan,” ani Dizon.

Patuloy naman ang koordinasyon ng National Task Force sa mga LGU sakaling mangailangan na ilipat sa pamamalaga ng LGU ang isang nagqu-quarantine na may espesyal na kundisyon, gaya ng mga namatayan sa pamilya, o iyong mangangailangan ng medical assistance. 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.