PatrolPH

Bentahan ng paputok sa Bocaue apektado ng pandemya, NCR firecracker ban

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2020 02:01 PM | Updated as of Dec 31 2020 06:45 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Matumal ang bentahan ng mga paputok sa Bocaue, Bulacan sa bisperas ng Bagong Taon, ayon sa mga nagtitinda ng paputok sa lugar. 

Sabi ng mga tindero, malaking dagok ang COVID-19 pandemic at mga nagdaang pag-ulan at bagyo sa kanilang kita. 

Sinabayan pa anila ito ng pasya ng mga alkalde ng Metro Manila na pagbawalan muna ang mga paputok sa kani-kanilang mga siyudad para malimitahan ang mass gatherings at mapigilan ang pagkalat ng virus. 

Masuwerte na umano kung makakakuha ng P50,000 kita kada araw ang mga nagbebenta - na katumbas lang ng 25 porsiyento ng kanilang kinikita tuwing holiday. 

Ayon sa mga nagtitinda, bagama't mas dumami na ang nagsisidagsaan sa kanilang mga tindahan kumpara noong mga nakaraang linggo ay mababa pa rin ang kanilang kinikita. 

Karamihan sa mga namimili ay galing pang probinsiya at maagang bumiyahe. 

Tampok sa ngayon ang mga aerial display, sparklers, fountain, kwitis, at lusis - na nagtaas na ng mga presyo. 

Ang aerial display, nasa P600 hanggang P700 mula P400. 

Ang fountain, nasa P80 mula P40.

Samantala ang kuwitis, nasa P500 mula P20 at ang lusis ay nasa P70 mula P30. 

-- May ulat nina Bianca Dava at Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.