Prusisyon ng Pasasalamat para sa Nazareno, mas mabilis ngayong taon

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2019 05:35 AM | Updated as of Dec 31 2019 08:00 PM

Watch more in iWantTFC

Hindi inaasahang tatagal lamang ng isang oras ang isinagawang Prusisyon ng Pasasalamat para sa poong Itim na Nazareno, Martes ng madaling araw, hudyat ng simula ng siyam na araw na nobena bago ang Traslacion.

Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), naging mabilis ang prusisyon bunga ng maayos na pagpaplano at pamamalakad.

“Ang ruta nasunod, ang plano nasunod comparing last year 10 hours and 20 minutes … sumunod ang tao na sa likod talaga yung ibang gustong mag-cross napigilan talaga … everybody agrees na gawin ito isa sa challenges ang sasalubong, ngayon nakita niyo walang sumalubong yung motion na forward, forward lang talaga,” ani Police Brig. Gen. Debold Sinas, NCRPO director.

Inaasahan sa darating na Traslacion, makakamit ang mas organisado at mas taimtim na katuparan ng pananampalatayang Katoliko.

Sa tala ng Philippine National Police, tinatayang 80,000 deboto, kasama ang may sampung libong pulis at militar para sa seguridad, ang sumama sa prusisyon.

Nakita ni Allan Interompa, isang deboto na naging mabilis ang seremonya dahil maraming pulis na tumulong at nag-ayos.

Ayon naman kay Dave Salayon, isa ring deboto, noon daw ay inuumaga sila at hindi raw siya sanay sa nangyari ngayon ngunit wala naman siyang reklamo dahil mas maayos ngayon.

“Maganda walang gaanong gulo, para makapasok siya agad sa simbahan at makapahinga ang tao kasi hanggang January 10 pa kami eh,” ani Merlinda Salas, deboto.

Ang taunang Thanksgiving Procession ay hudyat ng siyam na araw na nobena bago ang Traslacion.

Ang bawat deboto may kanya-kanyang kwentong bitbit istorya ng himala at hiling sa Diyos sa naging prusisyon.

Ayon kay Ricardo Tavera, noong Enero 7 lang dapat ay wala na siya, nabangga at sumuot siya sa ilalim ng binanggang truck at laking tuwa niyang nagising pa siya sa ospital dahil umano kasama niya ang Nazareno.

Pinapasalamatan naman ni Gina Gaodo ang Lahat ng nangyari sa kanyang buhay katulad ng anak niyang gumaling dahil sa kanyang pananampalataya sa Nazareno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.