Mga suki dagsa, nagbalik-tanaw sa isasarang Harrison Plaza

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2019 02:43 PM

Umuwi nitong Disyembre si Rose Sanyo, isang overseas Filipino worker (OFW) sa Qatar, para makasama ang kaniyang pamilya sa holidays.

Bukod sa bakasyon, sinadya ni Sanyo ngayong Martes, ang Harrison Plaza sa Maynila para masilayan sa huling pagkakataon ang establisimyentong tumatak na sa kaniyang alaala.

Makalipas kasi ang halos 4 na dekada, isasara na ang Harrison Plaza dahil sa pagpasok ng bagong management o pamunuan simula 2020.

"Lalo pa't Pasko at saka Bagong Taon, dito kami nagpupunta," kuwento ni Sanyo.

"May nanliligaw sa'kin, dito kami nagpupunta," dagdag niya.

Kahit bisperas ng Bagong Taon, minabuti ng ilang mga naging suki ng Harrison Plaza na bisitahin ang establisimyento para makita ito at makapagpa-picture pa.

Ayon sa mga guwardiya ng mall, naabisuhan sila na ang lahat ng natitirang tenant ay kailangan nang maghakot ng gamit dahil simula Miyerkoles, Enero 1, tuluyan nang isasara umano ang Harrison Plaza.

Nagbukas ang mga pinto ng Harrison Plaza noong 1976. Tinagurian itong kauna-unahang moderno at airconditioned shopping mall sa bansa.

Inanunsiyo noong nakaraang buwan ng pamunuan ng mall na hanggang Disyembre na lang mag-operate ang Harrison Plaza matapos itong mabili ng SM Prime Holdings.

Maging si Nick Bon na nakatira lang malapit sa mall, sinusulit ang mga huling sandali na bukas ito.

"Almost everyday namamasyal ako dito," sabi niya.

"So talagang memorable ito, may sentimental value ito sa atin," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.