Mangingisda ng GemVer 1 nawawala matapos ang bagyong Ursula

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2019 06:31 PM | Updated as of Jan 01 2020 08:00 PM

Nitong Hunyo, nabangga ng isang Chinese vessel ang bangkang GemVer1 sa West Philippine Sea na inabot ng anim na buwan bago maayos. Department of Agriculture via AP/file

OCCIDENTAL MINDORO—Nawawala hanggang ngayon si Alvin Bantugan, isa sa mga mangingisda ng GemVer 1 matapos muling mawasak ang bangka nitong Pasko dahil sa bagyong Ursula.

Ayon kay Felix dela Torre, may-ari ng GemVer1, sinubukan nina Bantugan at 4 pa nitong mga kasamahan na bantayan ang bangka nang dumating na sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro ang bagyo. 

“Nandoon sila sa bangka dahil kailangan talaga na may tao, lalo na sa ganyang panahon. Sa sobrang lakas ng hangin dala ng Ursula, tumaob na talaga sila sa tubig, tapos dinala na sila ng lakas ng hangin sa buhangin,” ani dela Torre. 

Tinangka umano ni Bantugan na higpitan ang mga lubid na kinakapitan ng bangka ngunit hindi niya napansing may malaking along paparating. 

Watch more in iWantTFC

“Dapat magarya siya ng lubid . . . para kahit na tangayin sila ng alon, naka-angkla po sana sila. Kaso nu’ng dumating ’yung malakas na alon, nahampas siya. Nakita po nila si kuya Alvin na nahulog sa tubig. 

Awang-awa si dela Torre sa pamilya ni Bantugan sapagkat alam nitong umaasa sila sa kanya lalu na’t sumapit na ang Pasko at darating na ang Bagong Taon. 

“Kung sinuman ang nakakita sa kanya, kahit patay man o buhay, basta’t ’yung makita lang sana, ’yun ang pinakamalaking pasasalamat namin, kahit paano matagpuan lang siya,” ani dela Torre. 

Nitong Hunyo, nabangga ng isang Chinese vessel ang naturang bangka sa West Philippine Sea na inabot ng anim na buwan bago maayos. 

Kilala si Bantugan bilang isa sa mga mangingisdang kumukuha ng mga video hinggil sa hirap ng kanilang buhay matapos mawalan ng kabuhayan. — Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.