'Hotels,' musika ilan sa mga paraan para iwas-stress ang pets sa New Year's Eve

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2019 05:27 PM | Updated as of Dec 31 2019 07:58 PM

Watch more in iWantTFC

Habang naghahanda ang pamilya ni Gerry Paredes sa pagsalubong ng Bagong Taon, inihahanda na rin nila ang kanilang asong si Ginny.

Noon kasing 2016, na-expose si Ginny sa ingay ng mga paputok at pailaw, at nakaranas ng matinding pagkatakot.

Ayon kay Paredes, sobra siyang naawa sa alaga nang makita niya ang panginginig nito sa takot, na tumagal ng higit isang araw.

Mula noon, itinago ni Paredes si Ginny sa loob ng bahay ilang oras bago ang salubong.

Ayon sa veterinarian na si Lester Louis Lopez, mabilis matakot ang mga hayop sa paputok dahil higit na mas matalas ang pandinig at mata ng mga ito kumpara sa mga tao.

Ilan sa mga palatandaang maaaring nase-stress na ang hayop ay ang pag-iyak, pagkahingal, at hindi masyadong nakakakain, ayon kay Lopez.

Puwede rin daw magkaroon ng pagbabago sa ugali ang hayop dahil sa trauma sa paputok.

Kapag matanda na ang mga hayop at may mga karamdaman, puwede rin silang mamatay dahil sa takot, ani Lopez.

Kaya ipinapayo ang pagtago sa mga hayop sa madilim na kuwarto sa loob ng bahay kapag nag-umpisa na ang putukan.

Mainam umanong gawing relaxing ang kuwarto kaya inirerekomenda ang pagpapatugtog ng musika, pag-spray ng pabango, pagbukas ng telebisyon at radyo, o pag-iwan ng laruang magpapaaliw sa hayop.

Kahit papaano ay nakakaramdam ang mga hayop ng proteksiyon sa pamamagitan ng mga nabanggit na paraan, ani Lopez.

Kung may sapat na pondo, puwedeng i-check in ang mga alaga sa mga pet spa o pet hotel.

Kapag natapos naman ang mga pailaw at paputok, mainam ding hintayin muna umanong humupa ang usok bago palabasin ang hayop dahil posibleng makasama sa kanila ang usok.

Bukod sa ingay, nagpaalala rin si Lopez sa mga delikadong pagkain para sa mga hayop, gaya ng mga handa kapag Media Noche tulad ng ham, grapes, at tsokolate.

Hinimok naman ni Malabon Zoo founder Manny Tangco ang mga bumisita sa kaniyang zoo ngayong Lunes na gumamit na lang ng torotot sa halip na paputok.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.