Food packs hatid sa libo-libong pamilyang naperwisyo ng Ursula

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2019 05:49 PM | Updated as of Dec 31 2019 08:06 PM

Watch more in iWantTFC

Sa kasagsagan ng pananalasa ni bagyong Ursula sa bayan ng Libertad, Antique, iniwan ni Marissa Muyco ang kaniyang tirahan.

Inakala niya noon na ligtas mula sa baha ang kanilang bahay dahil sa mataas na kinatatayuan nito sa Barangay Tinigbas.

Pero sinira pa rin ng malalakas na hanging dala ni Ursula ang bahagi ng kanilang bahay. Maging ang mga gamit ng kanilang pamilya ay nabasa at nasira.

Isa ang pamilya ni Muyco sa 1,400 pamilya sa Libertad, Antique at Ibajay, Aklan na hinatiran ng ABS-CBN ng food packs ngayong Martes, bisperas ng Bagong Taon.

Ayon kay Donald Esbieto, chairperson ng Barangay Tinigbas, nakatulong rin ang relief goods para mapawi ang lungkot na nararamdaman nilang mga nasalanta ng bagyo.

Nagdala rin ang ABS-CBN ng 58 hospital foam sa Ibajay District Hospital na lumubog dahil sa bagyo.

Samantala, 500 pamilya naman ang nahatiran ng food packs sa Basey, Eastern Samar, habang patuloy ang relief operations sa mga bayan ng San Jose at Bulalacao sa Occidental Mindoro. -- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.