2 sugatan sa pamamaril sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2019 05:00 AM

MAYNILA—Sugatan ang 2 lalaki na sakay ng isang motorsiklo matapos pagbabarilin sa Pasay City Martes ng madaling-araw.

Kuwento ng isang biktima, napansin nilang may nakasunod sa kanila. Pagdating nila sa Taft Ave., doon na sila pinagbabaril.

Ayon naman sa ilang testigo, 3 ang salarin sa insidente na nakasakay sa 2 motorsiklo.

Bumaba pa umano ang isang gunman para tingnan kung patay na ang mga biktima. Dahil hindi gumagalaw ang mga ito, umalis agad ang mga salarin.

Dinala naman sa ospital ang mga biktima nang respondehan ng mga awtoridad.

Ayon kay Tintin Gonzales, barangay tanod ng Barangay 41, inakala nilang naaksidente ang mga biktima pero napag-alamang may tama ng bala ang 2 lalaki.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril.—Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.