Dalagita, hinalay at pinatay sa sementeryo sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2017 08:39 PM | Updated as of Jan 01 2018 03:34 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Arestado ang isang 17 anyos na binatilyo matapos umanong patayin at halayin ang isang 15 anyos na dalagita sa Cavite nitong Sabado.

Natagpuan ang duguang at walang saplot na bangkay ng biktimang si alyas "Fatima" pasado alas-6 ng umaga habang nagroronda ang isang guwardiya ng Himlayang CaviteƱo sa Cavite City.

Batay sa imbestigasyon, nakipag-inuman si Fatima sa mga kaibigan at patagong pumasok sa sementeryo kasama ang suspek.

Niyaya umano ng suspek ang biktima na makipagtalik subalit hindi siya pumayag, kaya pinalo ito sa ulo at kinaladkad.

Bakas pa ang dugo sa pinangyarihan.

Sa tulong ng mga tauhan ng barangay, nasundan ang mga bakas ng dugo patungo sa bahay ng suspek na inaresto kinagabahihan.

Iginiit naman ng pamunuan ng sementeryo na paiigtingin nila ang seguridad para wala nang makapasok na kabataan sa dis oras ng gabi.

Dahil menor de edad, ipauubaya muna ang kustodiya ng suspek sa Department of Social Welfare and Development.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.