Breadwinner na namatay sa NCCC mall fire, nailibing na

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2017 03:44 PM

Dinala na sa kaniyang huling hantungan si Jeffrey Sismar, isa sa mga call center agents na nasawi sa sunog sa NCCC mall sa Davao noong Disyembre 23.

Masakit para sa mga kaanak ni Sismar na salubungin ang Bagong Taon na wala ang isang miyembro ng kanilang pamilya.

Ayon sa kaniyang mga kaanak, malaki siyang kawalan lalo na’t itinuturing siyang breadwinner ng kanilang pamilya.

Hindi pa rin kumbinsido ang kaniyang asawa sa takbo ng imbestigasyon sa ngayon at panawagan nito na papanagutin ang mall kung malamang may nilabag ito.

Nagpapasalamat ang pamilya ni Sismar sa mga inalok na tulong-pinansiyal ng gobyerno at donasyon galing sa ibang tao.

Bagama’t nagpapasalamat ang pamilya nila sa ayuda, hindi pa rin umano mapapalitan ang sakit na mawalan ng isang mabait, matulungin, at pursigidong kaanak.

Sa ngayon, patuloy ang paghahanap sa isa pang bangkay na kasama rin sa mga nasawi.

Sa isinagawang search and retrieval operation ng interagency anti-arson ngayong Linggo, hindi ito natagpuan sa 4th floor kung saan nakita ang 37 na mga kasamahan nito.

Posibleng nahulog raw ito sa 2nd floor ng gusali kaya hindi napabilang kung saan natagpuan ang iba pang mga labi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.