Bilang ng sugatan sa paputok, umakyat sa 86 sa bisperas ng bagong taon

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2017 08:37 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Umabot na sa 86 nitong Linggo, bisperas ng bagong taon, ang bilang ng naitalang sugatan ng Department of Health (DOH) dahil sa paputok.

Sa tala ng DOH mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 31, nasa higit 80 na ang bilang ng naiulat na fireworks-related injuries.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, mas mababa ito ng 60% o 130 cases kumpara sa 216 na average cases noong kaparehong panahon mula 2012 hanggang 2016.

Karamihan sa mga ito'y mula sa age group na 15 taong gulang pababa. 

Sa 86 na kaso, 70 ang mula sa age group na 15 taong gulang pababa at karamihan ay lalaki.

Nangungunang sanhi ay ang piccolo, na isa sa mga ipinagbabawal na paputok. Sunod rito'y boga, kwitis at whistle bomb.

Pinakamaraming insidente ay naitala sa National Capital Region na nasa 44.

Sa ngayon, wala pang napapabalitang namatay, nakalunok ng paputok o natamaan ng ligaw na bala. 

Itinaas na rin ang Code White sa mga ospital. Ibig sabihin, hindi papayagang lumiban ang lahat ng tauhan ng ospital, lalo na ang mga nakatalaga sa emergency rooms.

Dagdag ni Duque, nakatulong sa pagbaba ang Executive Order 28 ni Pangulong Rodrigo Duterte, na ipinalabas noong Hunyo at may layuning limitahan ang paggamit ng paputok.

"It's not an absolute ban but I think it will go there eventually. We can see now the effect," pahayag ni Duque.

Sa Enero 5 ang huling araw ng pagtala ng DOH sa mga kaso ng naputukan.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.