Babaeng nagtangkang magpuslit ng droga sa Pasay City jail, arestado

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2017 06:07 PM

Arestado ang isang babae na dumalaw sa Pasay City jail nang mahulian ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu at isang aluminum foil na isiniksik niya sa kanyang sapatos nitong Linggo.

Ayon kay Senior Insp. Orlando Alicante, deputy warden ng Pasay City jail, dadalawin sana ng suspek na si Mergeline Falcunit, 29, ang kanyang pinsan sa male dormitory na si Jimboy Concepcion na nakakulong sa kasong konektado sa ilegal na droga. 

Pagdating sa inspection area, napansin umano na tila kabado si Falcunit kaya mas lalo pa siyang binusisi bago payagang makadalaw.

“Ang standard operating procedure talagang katawan pati sapatos pinahubad. Nung pinahubad iyong sapatos, doon na-discover na mayroong prohibited substance so kaagad-agad hinold siya,” ani Alicante.

“Pina-search itong dalawang sapatos na ‘to. Dito sa compartment ng sapatos, dito nakuha sa ilalim,”

Batay sa record, ito na ang ikatlong beses na pagpunta ni Falcunit sa Pasay jail, pero hindi malaman kung nakapagpuslit siya ng droga sa mga una niyang pagdalaw. 

Ayon kay Alicante, naka-red alert ang pamunuan ng Pasay jail kaya lalong pinahigpit ang inspeksyon kaugnay sa pagdagsa ng mga bibisita ngayong holiday season. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.